ECHAGUE, Isabela – Sinalubong na ni kamatayan anv isang 32-anyos na guro matapos masangkot sa banggaan ng minamaneho niyang motorsiklo sa isang SUV sa intersection ng National Highway sa Barangay Cabugao, Echague, Isabela.
Ayon kay PMaj. Domer T. Pelo, hepe ng Echague Police Station, hindi umano napansin ng guro na nagmamaneho ng motorsiklo ang paparating na SUV na mabilis ang takbo. Dahil dito, ipinasok niya ang kanyang motorsiklo sa intersection at doon naganap ang banggaan.
Agad namang rumesponde ang rescue team ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Echague at isinugod ang biktima sa Southern Isabela Medical Center sa Santiago City upang malapatan ng agarang lunas.
Habang sumasailalim sa gamutan ay idineklara nang patay ang biktima ng mga doktor. Ang nasawi ay itinago sa alyas na “Chris”, 32-anyos, isang guro at residente ng San Isidro, Isabela.
Ayon pa kay PMaj. Pelo, madilim umano ang bahaging iyon ng national highway at walang streetlights, dahilan upang ituring itong accident-prone area. Dagdag niya, plano ng kanilang himpilan na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng Echague upang agarang masolusyunan ang kakulangan ng streetlights sa lugar.
Samantala, sinabi naman ng drayber ng SUV na siya ay dumaraan sa national highway at hindi niya inaasahan ang biglaang paglabas ng motorsiklo, lalo na sa madilim na kondisyon ng kalsada.
Plano ring magsagawa ng pag-uusap ang mga sangkot sa insidente, kabilang ang pamilya ng biktima, upang mapag-usapan ang nangyari. REY VELASCO