CAMARINES SUR — Patay ang isang guro matapos umano siyang pagbabarilin ng kanyang nobyong sundalo sa bayan ng Del Gallego, Camarines Sur.
Batay sa mga saksi, kumakain ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan sa isang plaza nang lapitan at kaladkarin umano siya ng suspek.
Isang barangay tanod na nagtangkang umawat sa dalawa ang binaril din ng suspek.
Ilang putok pa ng baril ang narinig makalipas ang ilang sandali at natagpuan na lamang ang guro na nakahandusay sa lupa.
Matapos ang insidente, binaril din umano ng suspek ang kanyang sarili ngunit nakaligtas. Kasalukuyan siyang nagpapagaling sa ospital at mahigpit na binabantayan ng mga pulis.
Nakaligtas din ang barangay tanod sa pamamaril, ayon sa ulat.
Humihingi ngayon ng hustisya ang pamilya ng nasawing guro. Mary Anne Sapico