MANILA, Philippines – Magpapaulan ang Habagat at ITCZ sa ilang bahagi ng bansa ngayong Huwebes, ayon sa PAGASA.
Apektado ng Habagat ang kanlurang bahagi ng Gitna at Katimugang Luzon, habang ang ITCZ ay nakaapekto sa ilang bahagi ng Mindanao.
Asahan ang mga kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Kalayaan Islands, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, at Palawan, na posibleng magdulot ng flash floods o landslides.
Sa Mindanao, ang mga lalawigan ng Surigao del Norte, Surigao del Sur, Davao Oriental, Davao de Oro, at Davao Occidental ay makararanas din ng katulad na panahon dahil sa ITCZ.
Maaaring magkaroon ng panandaliang malalakas na pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dulot ng localized thunderstorms.
Samantala, patuloy ring binabantayan ng PAGASA ang isang tropical depression na nasa labas pa ng PAR, 1,045 kilometro sa kanluran ng extreme Northern Luzon, na may lakas ng hangin na 45 kph at bugso na 55 kph.
Inaasahan ang mahina hanggang katamtamang hangin at banayad hanggang katamtamang pag-alon sa buong bansa. RNT