Home HOME BANNER STORY Habagat, patuloy magdadala ng pag-ulan sa LuzVis

Habagat, patuloy magdadala ng pag-ulan sa LuzVis

1
0

MANILA, Philippines – Patuloy na makaaapekto ang Southwest Monsoon o Habagat sa Luzon at Visayas ngayong Linggo, ayon sa PAGASA.

Makakaranas ng paminsan-minsang pag-ulan ang Zambales, Bataan, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro. Posibleng maging katamtaman hanggang malakas ang ulan na maaaring magdulot ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.

Makulimlim naman na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Western Visayas, nalalabing bahagi ng Central Luzon, MIMAROPA, Rizal at Laguna. Nagbabala ang PAGASA na maaari ring magkaroon ng flash floods at landslides dahil sa malalakas na thunderstorms.

Bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan, na may isolated rain showers o thunderstorms, ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas. Ganito rin ang kondisyon sa Mindanao dahil sa localized thunderstorms.

Samantala, nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility ang Tropical Storm Krovanh, na dating tinawag na Pilandok, bandang alas-3 ng madaling araw.

Huling namataan ang bagyo sa layong 875 kilometro hilagang-silangan ng extreme Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hangin na 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 80 kilometro bawat oras. Kumikilos ito pa-silangan-timog-silangan sa bilis na 10 kilometro bawat oras.

Inaasahan ang katamtaman hanggang malakas na hangin mula timog-kanluran hanggang kanluran sa extreme Northern Luzon, kung saan maaaring umabot sa 1.5 hanggang 3.4 metro ang taas ng alon.

Sa nalalabing bahagi ng Luzon, magiging mahina hanggang katamtaman ang hangin mula timog-kanluran, habang nasa 0.6 hanggang 2.5 metro ang taas ng alon. Sa nalalabing bahagi ng bansa, mahina hanggang katamtaman ang hangin mula timog hanggang timog-kanluran, na may taas ng alon na 0.6 hanggang 2.1 metro.

Nagbabala ang PAGASA na posible ang flash floods at landslides lalo na kapag may matitinding thunderstorms. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here