MANILA, Philippines – Naglatag ng serye ng mga panukala si Murang Kuryente Partylist Rep. Arthur Yap sa Kamara na layong tugunan ang mga hamon sa ekonomiya ng bansa at magbigay ng mas pangmatagalang solusyon para sa mga Pilipino.
Sa deliberasyon ng Legislative Energy Action and Development (LEAD) Joint Committee , iginiit ni Yap ang pangangailangang lumayo sa pansamantalang ayuda at ituon ang atensyon sa mga repormang magpapalakas sa kabuhayan ng mamamayan.
“These are not abstract or theoretical proposals but practical measures that can be implemented now, not later,” ani Yap.
Iminungkahi ni Yap ang pagbuo ng pangmatagalang financing mechanism sa pamamagitan ng mga government financial institutions upang maibsan ang epekto ng biglaang price shocks.
Aniya, maaaring gamitin ang Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines para magbigay ng long-term loan facilities sa mga kumpanya ng langis, upang maikalat sa mas mahabang panahon ang gastos sa pagbili ng fuel inventory.
“Sa issue ng replacement cost for purchase of fuel supplies, hindi kaya pwedeng ang Landbank at ang DBP maghanda ng pondo para mapagamit sa mga oil companies in the concept of a long-term loan? Hindi naman kailangan na pondo lang nila-maaaring syndicated loan from the banking sector. Long-term loan po. Hilahin ng 10 years ang special loan para ma-absorb yung price shock at hindi na ipataw sa taong bayan. Commercial solution po ito. Hindi po ito subsidy or grant,” ani Yap.
Kabilang sa kanyang mungkahi ang paggamit sa Maharlika Investment Fund bilang “tail-end risk transfer mechanism” upang mapalakas ang pagpapautang sa sektor ng agrikultura. Layunin nito na mapalawak ang access sa credit ng mga magsasaka sa gitna ng tumataas na gastos sa produksyon tulad ng abono.
Ayon sa Maharlika Investment Corporation, bukas ito sa pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture upang pag-aralan ang posibilidad ng nasabing panukala.
Una na din nitong ipinanukala ang paggamit ng electricity billing system bilang mekanismo ng pamamahagi ng ayuda, kung saan ang mga benepisyo ay direktang ibabawas sa singil sa kuryente ng mga kwalipikadong benepisyaryo sa tulong ng mga electric cooperative at power distribution companies.
Ayon kay Yap, sa ganitong sistema ng pagbibigay ng tulong ay masisiguro na direktang makikinabang ang mga target na sektor.
Sa ngayon ay pinag-aaralan sa Kamara ang mga panukala at nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang LEAD joint committee hearing. Gail Mendoza