Home NATIONWIDE Hatol sa tiyahing nang-abuso sa 11-anyos pamangkin, pinagtibay ng SC

Hatol sa tiyahing nang-abuso sa 11-anyos pamangkin, pinagtibay ng SC

1
0

MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol na pagkakakulong sa isang 25-anyos na babae dahil sa pang-aabusong seksuwal sa kaniyang 11-anyos na pamangking lalaki, at binigyang-diin na pareho ang matinding epekto ng sexual violence sa mga biktima anuman ang kanilang kasarian.

Sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, pinagtibay ng buong Korte Suprema ang pagkakasala ng tiyahin sa kasong statutory acts of lasciviousness. Sentensiyado ito ng hanggang 16 na taong pagkakakulong at pagbabayad ng kabuuang ₱250,000 bilang indemnity at danyos.

Nangyari ang pang-aabuso sa isang kuwarto habang bumibisita ang pamilya. Ayon sa salaysay ng biktima, inutusan siya ng kaniyang tiyahin na maghubad. Natakot siya sa nakatatandang kamag-anak at hindi agad nakapagsumbong.

Nananatiling tahimik ang bata hanggang 2019, nang ibunyag niya ang nangyari sa isang group chat. Lumabas sa psychological evaluation na dumaranas siya ng matinding post-traumatic stress disorder (PTSD), na nagdulot ng panic attacks, mga alaala ng pangyayari, bangungot at pagtatangkang wakasan ang sariling buhay.

Ayon sa desisyon, tinakot umano ng tiyahin ang bata na babaligtarin ang kuwento laban sa kaniya kapag nagsumbong ito, at pinalabas na tila pumayag siya sa pang-aabuso.

Tinanggihan ng Korte Suprema ang ganitong pangangatwiran at nilinaw na magkakaiba ang reaksiyon ng mga biktima sa trauma. Binigyang-diin din nito na 11 taong gulang lamang ang bata nang mangyari ang pang-aabuso noong 2018, kaya wala siyang legal na kakayahang magbigay ng pahintulot sa seksuwal na gawain. Noon, 12 taong gulang ang itinakdang edad ng sexual consent.

Ipinaliwanag ng Korte na ang tamang kasong isinampa ay acts of lasciviousness sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code, at hindi paglabag sa Anti-Child Abuse Law. Batay sa kasong Gramatica vs. People, saklaw ng Anti-Child Abuse Law ang mga sitwasyong tila pumapayag ang menor de edad sa seksuwal na gawain dahil sa pamimilit o impluwensiya ng nakatatanda. Sa kasong ito, hindi batid ng bata ang nangyayari at wala siyang legal na kakayahang pumayag.

Tinukoy rin ng Korte ang limitasyon ng depinisyon ng rape sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code noong 2018, na nakatuon sa penile penetration ng lalaki. Kung babae ang biktima at lalaki ang nang-abuso sa kaparehong paraan, maaari sanang rape ang ikinaso. Ngunit dahil babae ang nang-abuso sa batang lalaki, acts of lasciviousness ang naging kategorya ng kaso.

“These beliefs about rape are not only sexist, but also exclude male victims who suffer the same trauma,” diin ng Korte. Ayon dito, dahil sa mahigpit na gender stereotypes, dalawang beses na nagdurusa ang mga lalaking biktima—una sa kamay ng nang-abuso at ikalawa sa sistema ng hustisya.

Binanggit din ng Korte ang Republic Act No. 11648 na ipinasa noong 2022, na nagpalawak sa depinisyon ng rape at gumamit ng mga salitang walang pinipiling kasarian, gaya ng “any person.”

“Rape, in whatever manner, is a desecration of a person’s will and body,” pahayag ng Korte, kasabay ng panawagan na suriin ng mga awtoridad at publiko ang sexual violence batay sa hindi pantay na kapangyarihan ng mga sangkot, sa halip na umasa sa mga nakasanayang pananaw tungkol sa kasarian. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here