Home OPINION HAYAANG MANGINIG SI BATO……SA GINAW

HAYAANG MANGINIG SI BATO……SA GINAW

356
0

WALANG pagdududa — ang dugong dumanak sa war on drugs ng administrasyong Duterte ay nangangailangang tumbasan ng hustisya. Ang mga inosenteng buhay na nasayang ay hindi maaaring balewalain na lang bilang “collateral damage.”

Si Sen Ronald “Bato” dela Rosa, na namuno sa Philippine National Police noong kasagsagan ng “Oplan Tokhang”, ang responsable sa isang kampanya na nagbunsod para ang kapangyarihan ng gobyerno ay magmistulang armas laban sa sarili nitong mamamayan.

Ang mga ulat na naglabas na ang International Criminal Court ng arrest warrant para kay Dela Rosa ay magsisilbing hamon kung paano babalansehin ng ating bansa ang paninindigan sa pagpapanagot sa may sala at pagtalima sa itinatakda ng batas. Napakatagal nang naghihintay ang mga tagapagsulong ng karapatang pantao at mga pamilya ng mga biktima sa pagpapataw na ito ng katarungan.

Totoong sa mismong gobyerno, naroroon pa rin ang pag-aalangan dahil sa iniaatas ng Supreme Court: sa ilalim ng bagong patakaran nito sa extradition, kinakailangan na ngayon ang “prior resort to a court” bago pa ipatupad sa isang tao ang international warrant at ilabas siya ng bansa. Mismong si Secretary Lucas Bersamin, isang dating Chief Justice, ang nagbigay-diin sa prosesong ito, na epektibong nagbabalik sa hudikatura ng Pilipinas ng pagpapasya sa mga unang hakbanging kailangang ipatupad.

Sa unang tingin, mukhang makatwiran ang ganito. Pero hindi yata uubra sa partikular na kasong ito, dahil ang parehong Hukuman, batay sa mga kasalukuyang opisyal nito, ay binubuo ng mayorya ng mga hukom na itinalaga mismo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Hanggang nitong Oktubre 2025, hindi bababa sa 12 sa 15 mahistrado ay pinagkakautangan ng loob si Duterte sa kanilang appointment.

Kung ganito ang senaryo, paano naman tayo magiging kumpiyansa na magiging patas sila sa kanilang pagdedesisyon, na siguradong makaaapekto sa magiging kapalaran ng nag-appoint sa kanila at sa tapat na tagasunod nito? Hindi sa wala akong respeto sa ating mga mahistrado, pero nawawalan ng kulay ang hustisya kung ang pinakahuling korte na maglalapat nito ay nakulayan ng pulitika.

Ito mismo ang dahilan kaya mayroong ICC — dahil para sa mga krimen na kasing grabe at kasing sistematiko ng malawakang pagpatay sa drug war, matagal nang gumuho ang pananalig ng mga Pilipino na may mapapanagot sa mga nagkasala.

Samantala, nanatiling tahimik si Dela Rosa sa napaulat na warrant ng ICC para sa kanya. Pero kabaligtaran naman ang internet. Lumutang ang isang viral TikTok video, na nagpapakita sa kanya nang kumasa siya sa “ice bath challenge” — at hindi ko alam kung bago ba o luma ang isang ito. Pero ang ipiniprisintang konteksto ay sumakto ang timing sa latest na balita tungkol sa ICC.

Sa video, kabadong nagtatanong si Dela Rosa kung wala bang masamang mangyayari sa kanya, gaya ng kung hindi ba siya mawawalan ng malay o daranas ng hypothermia habang nakalubog siya sa nagyeyelong tubig. Nagbiro ang ilang netizens, tinawag siyang “Rock on Ice” — hango sa kanyang palayaw, ang Bato, at sa kanyang pag-aalangang kumasa sa hamon.

Marahil isa lamang iyong inosenteng health ritual, pero makapanindig-balahibo ang simbolismo: takot siya na bigla na lamang lamunin ng sobrang lamig, samantalang hindi man lang nagkaroon ng pribilehiyo ang kanyang mga biktima na piliin kung paano sila malalagay sa peligro. Bilang tao, normal ang kanyang pagkatakot — self-preserving — isang bihirang kabalintunaan sa kanyang dati nang pagyayabang sa ICC.

Kung totoong may kasalanan siya, dapat pa rin siyang manginig; dahil maaaring mas nakapanlalamig pa ang parusang naghihintay sa kanya — kasing lamig ng noon ay halos araw-araw na patayan na minsang namayagpag sa bansa sa ilalim ng kanyang direktiba.

* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here