Home OPINION HEPE TORRE, ANYARE?

HEPE TORRE, ANYARE?

255
0

MGA biglaan o paspasan yata ang naganap kaugnay kay ex-Philippine National Police chief General Nicolas Torre III.

Kung gaano kabilis na na-promote sa pagiging PNP chief, ganoon din kabilis siyang nalaglag sa pwesto.

Parang naganap sa kanya ang kasabihang “Ang tumakbo nang matulin, kung matinik ay malalim.”

Maliban na lang kung nakasapatos ka, ‘di ba, Senator Rodante Marcoleta, sir?

ANIMO’Y KIDLAT

Naupo si ex-PNP chief Torre noong Hunyo 2, 2025 pero wala pang dalawang buwan o kahapon lamang, bigla siyang sinibak sa pwesto.

Bigla ring itinalaga si Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. bilang kapalit niya.

Nauna rito, bukod kay Torre, naging kandidato rin si Nartatez Jr. sa pagka-PNP chief.

Naungusan lang ni Torre ang lahat ng kandidato nang magawa nitong pwersahing sumurender si Pastor Apollo Quiboly na pinuno ng Kingdom of Jesus Christ church sa Davao City noong Setyembre 8, 2024.

Sumunod dito ang pinakamalaking ginawa niya, ang pag-aresto kay ex-President Digong Duterte mismo sa Ninoy Aquino International Airport noong Marso 11, 2025, kahit wala siyang dala-dalang warrant of arrest ngunit sa kautusan ng nakatataas na silang may hawak umano ng warrant of arrest na inisyu umano ng International Criminal Court.

Dito na itinalaga si Torre bilang PNP chief at bilang unang Philippine National Police Academy graduate na nakakopo ng pinakamataas na pwesto na dating dinodomina ng mga nagmula sa Philippine Military Academy.

LIGAL NA USAPIN

Ayon sa lumalabas na pahayag ng National Police Commission sa ilalim ni Chairman Atty. Rafael Vicente R. Calinisan, nilabag ni Torre ang Napolcom Resolution No. 2022-473 na nagsasabing dapat kumpirmahin muna ng Commission En Banc ang anomang pagtatalaga o paglilipat ng “third level positions” sa PNP bago ito isagawa.

Ayon sa Resolution No. 2025-0531 na nagsibak kay Torre, nilabag ni Torre ang Resolution No. 2022-473 sa magkakasunod na “designations, assignments and reassignments of police commissioned officers.”

Ngunit hindi naman siya sinampahan ng anomang kaso, ayon kay Napolcom ex-Officio Chairman na si Department of the Interior and Local Government Jonvic Remulla.

Sa ibang salita, sinabi ni dati ring PNP chief at ngayo’y Senator Ping Lacson na nasobrahan ni Torre ang paggampan ng kanyang tungkulin.

Dapat umanong kinuha ni Torre ang permiso ng Pangulo ng Pilipinas o kahit man lang ng ex-Officio Chairman ng Napolcom sa pagpupwesto at paglilipat ng mga nasa ibaba niya.

‘Yun bang === hindi sumunod sa ligal na proseso si Torre.

Dito na pumasok ang kapangyarihan o prerogative ng Pangulo ng Pilipinas sa pagsibak ng PNP chief at pagtatalaga ng kapalit nito sa pwesto.

MGA NASA LIKOD NG PANGYAYARI

Bagaman may ligal na mga batayan ng pagsibak kay Torre, may mga haka-haka namang may higit na malalim na mga dahilan.

Isa na rito ang pagkilos ng mga may impluwensya sa loob at labas ng Malakanyang.

‘Yun bang === may halong pulitika ito.

Subalit malalaman sa huli ang katotohanan ukol dito.

Dapat na ring paghandaan ito mismo ni bagong PNP chief Nartatez na kilala sa pagsunod sa mga batas at patakaran sa pulisya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here