MANILA, Philippines – Nailikas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang higit 195,000 indibidwal na apektado ng pagsabog ng Bulkang Mayon sa rehiyon ng Bicol.
Sa naging panayam kay PCG Spokesperson, Commodore Noemie Cayabyab, tuloy-tuloy ang kanilang mga hakbang upang matulungan ang mga pamilya matapos sumabog ang naturang bulkan.
Sinabi ng opisyal na isa sa mga pangunahin nilang layunin na matiyak ang kaligtasan ng mga residente na nakatira malapit sa paanan ng bulkang Mayon.
Nagpadala na rin sila ng dalawang water purification at desalination unit partikular sa Guinobatan at Camalig, Albay.
Ito’y upang makapagbigay ng 10,000 litro ng malinis na inuming tubig sa mga residente kada araw.
Katuwang din ang mga PCG personnel sa clearing operation upang alisin ang naipong ash fall sa kalsada, tungo sa maayos at ligtas na pagbiyahe ng mga sasakyan sa lugar. Jocelyn Tabangcura-Domenden