MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Sabado, Nobyembre 1 na mahigit 2.4 milyong indibidwal ang bumisita sa mga semeteryo at columbaria sa buong bansa para sa Undas.
Sa pahayag, sinabi ng PNP na mahigit 2,210,070 katao ang pumasok sa mga sementeryo at 197,070 ang bumisita sa mga columbaria sa buong bansa hanggang nitong alas-12 ng tanghali ng Nobyembre 1, All Saints’ Day.
Sa Lungsod ng Maynila pa lamang, nasa kabuuang 1,360,951 indibidwal ang bumisita sa mga sementeryo hanggang nitong alas-6 ng gabi, ayon sa Manila Police District.
Narito ang mga sumusunod na bilang:
Manila North Cemetery – 1,177,431
Manila South Cemetery – 140,790
La Loma Cemetery – 37,100
Chinese Cemetery – 5,400
Paco Cemetery – 230
Nagpatupad din ng pinaigting na seguridad ang PNP para sa pagbisita ng milyon-milyong Filipino.
Nagpakalat din ng nasa 93,839 personnel sa ilalim ng Oplan Ligtas Undas 2025, na binubuo ng 31,056 PNP personnel, 20,134 tauhan mula sa ibang ahensya ng pamahalaan at 42,649 force multipliers. RNT/JGC