MANILA, Philippines- Tatlong suspek na nambiktima sa mahigit 200 indibidwal na nakatanggap ng pekeng business permits ang inaresto ng mga operatiba ng Pasay City police nitong Miyerkules (Enero 31).
Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr. ang mga inarestong suspek na sina Absamin Sangcopan Hadjizamin, 23, alyas “Bakla,” residente ng Malate, Manila; Kerick Boy Canlas, 32; at Leopoldo Baotas, 27, kapwa naninirahan sa San Andres Bukid, Manila.
Ilan sa mga biktima kabilang sina Ismael Macalambos, Maria Agnelica Dumlao, Dianah Pandapatan, Jackielyn Dumlao, Jamalia Mustpapha, Boniaral Rangaig, Guimbo Mohamad Ali, at Aliyana Legaspi ang sumugod sa Pasay City police makaraang makarating sa kanilang kaalaman na nadakip na ang mga suspek at positibong kinilala ang mga ito na nanloko sa kanila.
Base sa report na natanggap ni Mayames, naisagawa ang pag-aresto sa mga suspek dakong alas-6:15 ng umaga sa kahabaan ng Taft Avenue Extension, Pasay City.
Sinabi ni Mayames na ang karamihan sa mga nabiktima ay maliliit na negosyante sa Baclaran kung saan nagpakilala ang mga suspek na empleyado ng Pasay City hall na tutulong sa kanila para sa proseso ng pag-renew ng kanilang business permits.
Sa pagkakaaresto ng mga suspek ay agad na nakipag-ugnayan si Mayames kay Pasay City Treasurer Emil Tecson upang malaman kung totoong mga business permit at official receipt (OR) ang inisyu ng mga suspek.
Sinabi ni Tecson na kung titingnan ang mga OR na inisyu ng mga suspek ay kahalintulad ng sa Treasury Office at napatunayan lamang na peke ang mga ito dahil sa serial numbers ng mga resibo na nakuha sa mga suspek.
Makaraang madakip ang mga suspek ay agad itong ini-report ni Tecson kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na kasalukuyang nasa Estados Unidos.
Kasabay nito ay hinikayat naman ni Tecson ang mga negosyante na naging biktima ng mga suspek partikular sa lugar ng Baclaran na mag-report sa istasyon ng pulis na malapit sa kanila dahil mayroon pang dalawang kasabwat ang mga naarestong suspek na hanggang sa kasalukuyan ay laya pa rin.
Ang mga nadakip na suspek ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police na nahaharap sa kasong syndicated estafa at falsification of public documents sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan