MANILA, Philippines – Higit 2,600 pulis ang ipinakalat ng Philippine National Police (PNP) sa mga lugar na apektado ng bagyong Crising at habagat, ayon kay PNP chief Gen. Nicolas Torre III ngayong Lunes, Hulyo 21.
“Sa ngayon, may 2,600 hanggang halos 3,000 personnel tayong nakatalaga para sa disaster response operations, habang nasa 7,000 naman ang bahagi ng ating Reactionary Standby Support Force,” pahayag ni Torre sa isang press briefing.
Dagdag pa ni Torre, nasa 35,000 katao na ang natulungan ng kapulisan sa mga evacuation center, habang 62 pulis naman ang naapektuhan ng sama ng panahon.
Patuloy aniya ang koordinasyon ng PNP sa mga local government units at iba’t ibang ahensiya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), limang katao ang nasawi at pito ang naiulat na nawawala bunsod ng pananalasa ni Crising at habagat.
Umabot na sa 800,864 indibidwal o 225,985 pamilya ang apektado ng masamang panahon. Sa bilang na ito, 20,115 katao o 5,921 pamilya ang kasalukuyang nanunuluyan sa 319 evacuation centers.
Bagaman nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) si Crising nitong weekend, patuloy pa rin ang pag-ulan dulot ng habagat sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa PAGASA. RNT/JGC