MANILA, Philippines – Tinupok ng apoy ang walong bahay sa isang compound sa Barangay 176-A, Bagong Silang, Caloocan bago maghatinggabi. Mabilis itong kumalat sa mga magkakadikit na bahay na gawa sa light materials.
Itinaas ng Bureau of Fire Protection ang unang alarma, nagpadala ng limang fire truck, at tumulong ang mga fire volunteer. Nagsilikas ang mga apektadong residente sa Zabarte Road.
Dalawa ang nasugatan, kabilang ang isang senior citizen at isang bata.
Isa sa mga biktima, si Ernesto Bucog, ay nasunog ang likod, braso, at leeg. Ipinahayag niyang wala na siyang matutuluyan at umaasa sa tulong. Samantala, si Jakester Sumaoang ay lubos na nagpapasalamat na nakaligtas ang kanyang mag-ina kahit nawala ang kanilang mga gamit.
Ayon sa barangay, mahigit 30 pamilya ang naapektuhan.
Hinahanap pa ang may-ari ng bahay na pinagmulan ng sunog matapos umanong tumakas sa insidente.
Tiniyak ni Barangay Chairman Joel Bacolod na magbibigay sila ng pagkain at damit para sa mga nasunugan. Patuloy namang iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng sunog na naapula matapos ang mahigit isa’t kalahating oras. RNT