MANILA, Philippines – UMABOT na sa mahigit sa 30,000 ang bilang ng mga pamilyang naapektuhan ng Tropical Depression Wilma, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) sa Region 8.
“May preemptive evacuation tayo ng 3,164 families with 9,614 persons. Pero may mga affected na tayo na 29,960 families converting to 103,001 persons with 123 barangays. Ito ‘yung mga pinalikas at ‘yung iba naka-experience ng mga light na pagbaha,” ang sinabi ni OCD Region 8 (Eastern Visayas) officer-in-charge Director Rey Gozon sa Isang panayam.
Sinabi naman ni Gozon na hindi papayagan ang mga bakwit na bumalik sa kanilang bahay hangga’t hindi nakukumbinsi ang mga awtoridad na magiging ligtas ang mga ito.
“Papatapusin muna natin ang bagyo. Hindi natin sila pauuwiin unless ma-ensure nating wala nang paparating na malakas na ulan,” ani Gozon.
Nakatuon din aniya sila sa pagsasagawa ng preemptive evacuation sa mga lugar na ‘prone’ sa baha at landslide.
“‘Yan ang tinutukan natin na magkaroon ng preemptive evacuation, ‘yung mga kababayan natin na nasa along flood- and landslide-prone areas,” aniya pa rin.
“So far they have not received any request from local government units (LGUs) for additional assistance,” ang tinuran pa rin ni Gozon.
Wala namang natanggap na reklamo kaugnay sa distribusyon ng relief goods sa mga apektadong lugar.
“Maganda naman ang pamamalakad ng local DRRMCs (disaster risk reduction and management councils),” ang winika ni Gozon.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Gozon ang publiko na ang paglalayag at iba pang water activities ay hindi pinapayagan dahil sa Tropical Depression Wilma. Ang mga byahe sa karagatan ay ipinagbabawal sa oras na ito. KRIS JOSE