Home HEALTH Higit 3K rabies patient naitatala kada-araw sa San Lazaro Hospital

Higit 3K rabies patient naitatala kada-araw sa San Lazaro Hospital

MANILA, Philippines – Umapela ang San Lazaro Hospital sa mga local government units na buksan ang kani-kanilang animal bite centers para maibigay ang kaukulang pangangalagang medikal sa ibang mga lokasyon.

Ito ay sa gitna ng pagdagsa ng mga pasyente sa naturang ospital upang nagpaturok ng anti-rabies vaccines dahil sa dami ng nakakagat o nakakalmot ng mga alagang hayop ngayong summer season.

Nitong mga nagdaang mga araw, umabot sa higit 3,000 pasyente kada araw ang pumipila sa naturang ospital upang magpabakuna laban sa rabies.

Karamihan sa mga nagtutungo sa San Lazaro Hospital upang magpabakuna ng anti-rabies ay mula pa sa ibat-ibang lugar o non-residents ng Manila.

Sinabi ni David Suplico, officer-in-charge of the San Lazaro Medical Services, na ang bilang ng mga nagpapabakuna ng libreng anti-rabies ngayon ay sobrang hindi pangkaraniwan dahil maari lamang tumanggap ng 800 pasyente kada araw ang pasilidad.

Noong Abril, punong-puno rin ang San Lazaro Hospital, na umaasikaso sa humigit-kumulang 1,800 hanggang 2,000 pasyente bawat araw na naghahanap ng pagbabakuna laban sa rabies.

“Umaapela po ako sa ating mga local government units na sana po ‘yung kanilang animal bite treatment center ay handa po sa pag-surge ng pasyente po ngayon. Dapat po sila ay mayroong mga gamot para po [sa] anti-rabies,” sabi ni Suplico.

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention ng Estados Unidos, ang mga anti-rabies shot ay dapat ibigay sa apat na dosis pagkatapos ng exposure.

Ang rabies ay nakakaapekto sa central nervous system kung hindi ginagamot. Sinabi ng CDC na ang incubation period ay maaaring tumagal ng ilang linggo hanggang buwan depende sa lugar ng pagkakalantad.

Bukod sa San Lazaro Hospital, nag-aalok din ng libreng anti-rabies vaccines ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa City at Amang Rodriguez Hospital sa Marikina City.

Sinabi ng Department of Agriculture noong nakaraang buwan na hihingi sila ng P110 milyon mula sa Kongreso para mabakunahan ang 22 milyong aso, na may pag-asang mapupuksa nito ang rabies sa bansa.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)