Home METRO Higit 40 armas, isinuko ng mga residente sa Maguindanao del Norte

Higit 40 armas, isinuko ng mga residente sa Maguindanao del Norte

1
0

MAGUINDANAO DEL NORTE, Philippines — Mahigit 40 baril at iba pang armas ang boluntaryong isinuko ng mga residente mula sa 24 barangay sa Datu Odin Sinsuat nitong Lunes bilang bahagi ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program ng pamahalaan.

Isinagawa ang turnover sa Barangay Bitu, na sinuportahan ni Mayor Baba Abas at mga opisyal ng militar at pulisya.

Ayon kay Abas, nais ng mga residente na makatulong sa pagtatatag ng tunay na kapayapaan sa kanilang mga komunidad na apektado ng paglaganap ng mga loose firearm.

“I hope other villagers in other communities of Datu Odin Sinsuat will follow suit,” ani Abas.

Kabilang sa mga isinukong armas ang apat na sniper rifle, Garand rifle, M16, Carbine, rocket-propelled grenade, tatlong grenade launcher, tatlong submachine gun, 11 shotgun, tatlong .45-caliber pistol, isang 9mm pistol, 12 .38-caliber revolver, isang .22-caliber revolver at dalawang 5.56mm pistol. Karamihan sa mga ito ay umano gawa o fabricated locally.

Lumahok sa programa ang mga barangay ng Ambolodto, Bagoenged, Baka, Bitu, Bugawas, Bungued, Capiton, Dados, Dulangan, Kakar, Kenebeka, Kurintem, Labungan, Makir, Margues, Nekitan, Poblacion Dalican, Sapalan, Sifaren, Sibuto, Tambak, Tanuel, Taviran at Tenonggos.

Layunin ng SALW program na mabawasan ang loose firearms, maiwasan ang karahasan kaugnay ng halalan, at makatulong sa mapayapa at maayos na unang Bangsamoro parliamentary elections sa Setyembre 14.

Hinimok ni Abas ang mga may hindi lisensyadong baril na isuko ang mga ito sa pulisya o militar. Kapalit nito, makatatanggap ang mga gun owner ng tulong pinansyal at livelihood package upang masuportahan ang kanilang kabuhayan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here