Home NATIONWIDE Higit 4K TNVS, delivery drivers nakakuha ng ayuda sa special payout

Higit 4K TNVS, delivery drivers nakakuha ng ayuda sa special payout

107
0

MANILA, Philippines — Umabot sa 4,678 driver ng Grab at Move It ang nakatanggap ng tig-P5,000 cash relief assistance sa unang araw ng special payout sa San Juan at Taguig nitong Lunes, Mayo 11.

Sa panayam sa radyo nitong Martes, sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na patuloy ang pamamahagi ng ayuda para sa mga public utility vehicle (PUV) drivers sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.

“Nagpapatuloy po ang DSWD sa pamamahagi ng cash relief assistance. Alinsunod sa kautusan ng Pangulong Marcos Jr. na tulungan natin sila na matustusan yung kanilang pang araw-araw na pangangailangan ay namamahagi po tayo ng cash relief assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations,” ani Dumlao.

Sa kabuuang bilang ng benepisyaryo mula sa Grab, 1,092 ang transport network vehicle service drivers habang 2,766 naman ang service delivery riders.

Nakatanggap din ng ayuda ang 820 motorcycle taxi riders mula sa Move It.

Sa SMX Aura payout site sa Taguig City, 2,364 lamang sa target na 10,000 benepisyaryo ang nabigyan ng ayuda, habang 2,314 naman sa target na 10,000 driver ang naitala sa FilOil Centre site sa San Juan.

Samantala, ibinunyag ni Dumlao na halos 1.3 milyong driver na sa buong bansa ang nakatanggap ng ayuda sa ilalim ng programa.

Pinaalalahanan din niya ang mga driver na isinasagawa ang special payout nang pa-batch upang maging maayos ang distribusyon ng tulong.

“Para sa mas maayos na pamamahagi ng tulong ay ginawa nilang in batches yung distribution natin ng cash relief assistance,” dagdag niya.

Hinimok naman ang mga driver na i-check ang kanilang assigned schedules at venues sa pamamagitan ng Grab at Move It tracker sa bit.ly/ClaimingTracker.

Pinapayuhan naman ang mga hindi pa kasama sa listahan na hintayin ang susunod na anunsyo.

Ang cash aid na nagkakahalaga ng kabuuang P23.39 milyon ay ipinagkakaloob sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations program at bahagi ng Unified Package for Livelihood, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) framework ng administrasyong Marcos.

Layunin ng UPLIFT na magbigay ng komprehensibong ayuda sa mga sektor na pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng langis kabilang ang public transport sector. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here