MANILA, Philippines – Mahigit 500 insidente ng pagbaha ang naitala sa Metro Manila sa loob lamang ng 24 oras dahil sa walang patid na buhos ng ulan dulot ng habagat at trough ng low pressure area (LPA), ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Martes, Hulyo 22.
Ayon kay MMDA Chairperson Romando Artes, bumaba na sa 273 ang aktibong pagbaha sa iba’t ibang lugar sa lungsod mula sa mahigit 500, batay sa kanilang monitoring bandang 11 a.m.
“Sa buong Kamaynilaan, within 24 hours, ay mahigit 500 po ang naging insidente ng pagbaha,” ani Artes sa isang press briefing sa Malacañang.
“Iba-iba po ang lalim—may gutter-deep lang at meron ding malalalim. Mahigit 200 ang humupa na.”
Patuloy ang pagbagsak ng ulan sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa PAGASA, na nagdulot ng malawakang pagbaha, mabigat na trapiko, at mga lumulutang na debris sa mga lansangan.
Naglabas ng advisory ang MMDA kaugnay sa mga apektadong kalsada.
“Tayo po ay walang tigil sa pagtatrabaho para matiyak na handa ang ahensya sa hamon ng ulan at hangin,” sabi ni Artes.
Dagdag pa niya, naka-standby ang 500 rescue personnel, anim na bus, dalawang military truck, dalawang rubber boat, at apat na aluminum boat bilang bahagi ng emergency response.
Inihahanda na rin ng MMDA ang preemptive evacuation sa mga residente ng Malabon na matinding naapektuhan ng baha.
Nakikipag-ugnayan din ang MMDA sa Department of Transportation para sa libreng sakay sa mga pasaherong na-stranded, habang nagpapatuloy naman ang declogging operations sa ilang bahagi ng Metro Manila upang mapabilis ang pag-agos ng tubig. RNT/JGC