MANILA, Philippines- Mahigit 500,000 litro ng oil waste ang nasipsip mula sa lumubog na MTKR Terranova sa baybayin ng Bataan, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG).
Inihayag ng PCG na kabuuang 506,000 litro ng oily waste ang nakolekta ng kinontratang salvor, Harbour Star, mula Agosto 19 hanggang 26.
Ang pinakamaraming langis na nakolekta ay 121,724 litro noong Sabado, sinundan ng 104,202 litro noong Lunes, at 101,603 noong Linggo.
Sa ngayon, umabot na sa 12,944 litro kada oras ang flow rate ng oily waste.
Bago lumubog ang tanker, tinatayang nasa 1.4 milyong litro ng langis ang dala nito.
Ang BRP Sindangan, barko ng PCG vessel, ay nakakita ng kintab ng langis 500 metro hilagang-silangan ng ground zero.
Sa kabilang banda, ang MTKR Jason Bradley ay sumasailalim sa patuloy na re-sealing at pagtatapal ng manhole at air vent nito sa pamamagitan ng kinontratang salvor nito, ang FES Challenger.
Ang divers ng Coast Guard Special Operations Force (CGSOF) ay nagsagawa ng underwater survey sa lumubog na sasakyang-dagat at walang nakitang kintab ng langis sa nakapalibot na tubig.
Nagsagawa rin ng coastal at maritime patrol ang isang oil spill response team sa karagatan ng Sitio Bagong Sibol, Barangay Mt. View, Mariveles, Bataan.
Gayundin, gumugulong ang siphoning sa MV Mirola 1 na kasalukuyang nakatali sa Diving Industry Shipyard sa Mariveles Bataan.
Iniulat ng isang oil spill response team na ang tubig-dagat ay sinisipsip mula sa loob ng mga compartment ng barko. Jocelyn Tabangcura-Domenden