Home HOME BANNER STORY Higit 72K pamilya apektado ng baha sa Davao

Higit 72K pamilya apektado ng baha sa Davao

MANILA, Philippines- Mahigit 72,000 pamilya ang apektado ng malawakang pagbaha at landslides sa Davao de Oro, ayon sa inisyal na ulat ng Office of Civil Defense (OCD) ng Region 11.

Ayon sa ulat, sinabi rin ng OCD ng rehiyon na lima ang nasawi mula sa mga pagbaha, habang pito ang sugatan. Lahat sila ay residente ng Davao de Oro.

Dalawa naman ang naiulat na nawawala sa Caraga, Davao Oriental.

Malaki ang pinsalang naidulot ng pagbaha at pagguho ng lupa mula sa malakas na pag-ulang bugso ng trough ng isang low pressure area, sa mga kalsada, kabahayan, at imprastraktura.

Sa Barangay Tagabakid, Mati City, Davao Oriental, gumuho ang malaking bahagi ng kalsada na nakaapekto sa mga residente.

Binisita naman ng lokal na pamahalaan ng Davao City ang mga nawasak na tulay sa lugar. Nagpaasisti rin ito sa Philippine Air Force (PAF), upang magamit ang air assets nito at makapaghatid ng relief goods sa mga residente.

Samantala, bineberipika ng Davao Oriental local officials ang kabuuang flood damage sa lalawigan.

Sa Davao City, inilikas ang ilang residente matapos umapaw ang Davao River dahil sa walang humpay na ulan.

Stranded naman ang ilang motorista sa kahabaan ng Tagum Highway sa Davao del Norte kung saan hindi makaalis maging ang malalaking sasakyan.

Mabigat din ang daloy ng trapiko sa Bunawan, Davao City dahil sa baha.

Sa Sto. Tomas, Davao del Norte, inasistihan ng munisipalidad ang mga residenteng apektado ng kalamidad.

Subalit, nananatili pa rin ang baha sa Monkayo, Davao de Oro. Wala ring kuryente sa ilang lugar. RNT/SA

Previous articleBFAR: Bangus ligtas kainin
Next articleTINGNAN: Panunumpa ng mga bagong opisyal ng Kampo Heneral Paciano Rizal Press Corps.