Home NATIONWIDE Higit 7K minimum wage workers sa NegOr nakinabang sa P20/kg bigas

Higit 7K minimum wage workers sa NegOr nakinabang sa P20/kg bigas

283
0

MANILA, Philippines – Mahigit 7,000 minimum wage earners sa Negros Oriental ang nakinabang na sa programang P20 kada kilo ng bigas ng pamahalaan, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Sabado.

Sinabi ni Nole Torres, senior labor officer ng DOLE-Negros Island Region (NIR) at focal person ng programa, na nagsimula ang rollout ng “Benteng Bigas Meron Na” sa lalawigan noong Hunyo sa tulong ng ilang negosyong unang sumali.

“If you can still remember the promise of our President on the P20/kg rice, here comes its realization but this is only for the minimum wage earners because the Department of Agriculture will take care of the indigent sector,” ani Torres.

Pinangunahan ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang pamamahagi ng bigas sa 50 benepisyaryo mula sa apat na kompanya sa Dumaguete City nitong Sabado sa seremonya sa DOLE-NIR office sa Barangay Bajumpandan.

Kabilang dito ang mga empleyado ng Prime Retail Corporation, Dynamic Development Corporation, Luxe Prime Retail Corporation at Superstore Retail Corporation.

Noong Biyernes, namahagi rin si Laguesma ng bigas sa 50 sugar workers sa Tanjay City bilang bahagi ng pagpapalawak ng programa sa iba’t ibang sektor.

Nilinaw ni Torres na hindi lang para sa mga indigent ang rice subsidy, kundi bukas din ito sa mga manggagawa ng pribadong kumpanya.

Sa ilalim ng sistema, binibili ng employer ang bigas sa subsidized price at ipinapamahagi sa mga empleyado na babayaran sa pamamagitan ng salary deduction.

Kailangang isumite ng mga kompanya ang listahan ng empleyado sa DOLE para sa beripikasyon bago makipag-ugnayan sa Food Terminal, Inc. at National Food Authority para sa pagproseso.

Naipatupad na ang programa sa mga security agency, kompanya sa sugar industry, hotel at resort sa lalawigan.

Hinimok ni Torres ang mas marami pang pribadong negosyo na sumali para matulungan ang mga empleyado na magkaroon ng abot-kayang bigas at mabawasan ang gastusin sa pamumuhay.

“This program not only helps the workers, it also boosts morale and ensures food security at the household level,” dagdag niya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here