Home NATIONWIDE Higit 9M kilo ng bigas nakatengga sa Manila ports

Higit 9M kilo ng bigas nakatengga sa Manila ports

MANILA, Philippines- Malaki ang paniniwala ng Bureau of Customs (BOC) at ng Department of Agriculture (DA) na posibleng naghihintay ang mga importer ng bigas na tumaas ang presyo ng bigas bago nila ilabas ang stocks kung saan nasa siyam na milyong kilo ng bigas na nakaimbak sa 356 container vans ang naka-stock sa mga daungan ng Maynila.

Ayon sa ulat, binibigyan ng 30 araw ang mga importer para ilabas ang kanilang stocks pagkatanggap ng clearance mula sa BOC bago ito maideklarang abandonado.

Ayon kay Customs Assistant Commissioner Jet Maronilla, maaaring sinasamantala ng mga importer ng bigas ang nasabing panuntunan.

Hindi pa matukoy ng Agriculture Department kung ano ang gagawin laban sa mga nag-aangkat ng bigas, ngunit sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na ipinaliwanag sa kanila ng Philippine Ports Authority (PPA) na maaaring naghihintay ng magandang presyo ang mga nag-aangkat ng bigas bago nila ilabas ang kanilang mga stocks.

“Posibleng naghihintay sila ng mas magandang presyo bago ilabas dahil mas mura ang binabayaran ng consignee kung nandoon sa pantalan kaysa nasa private warehouses,” ani De Mesa.

Ayon sa datos ng DA, noong Setyembre 24 ay bumaba na ang 356 container van mula sa 888 container van.

Ilalabas ng PPA ang data sa bilang ng mga container van na nakahanda nang kumpiskahin dahil lumampas na ito sa 30-araw, ngunit ang inisyal na datos mula sa DA ay nagpakita na ang dalawang container van o humigit-kumulang 54,000 kilo ng bigas ay maaari nang ikonsidera bilang “abandoned.”

Kaugnay nito, nanawagan ang consumer group na Bantay Bigas ng imbestigasyon sa posibleng manipulasyon ng presyo at pag-iimbak ng bigas. JAY Reyes