Home METRO Higit P.3M marijuana oil nasamsam sa Clark

Higit P.3M marijuana oil nasamsam sa Clark

MANILA, Philippines – MAHIGIT P.3 milyon halaga ng Marijuana oil ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark na nagresulta sa pagkaka-aresto ng nagsilbing consignee nito sa isinagawang operasyon sa Mabalacat, Pampanga.

Ayon sa BOC, isang shipment ang dumating nonng Hunyo 16, 2024 kung saan idineklara itong naglalaman ng mga kandila at isinailalim sa x-ray scanning na nagpakita ng hindi pangkaraniwang mga larawan. Ang K-9 sniffing ay isinagawa din na nagpahiwatig din ng posibleng pagkakaroon ng ilegal na substance.

Dahil dito, isinailalim sa pisikal na pagsusuri ang nasabing kargamento na nagresulta sa pagkakadiskubre ng 12 plastic na lalagyan ng 5,888 gramo ng madilaw-dilaw na malagkit na substance. Ang mga sample ay isinailalim sa field testing na nagbabasa ng posibleng presensya ng Cannabinoid. Pagkatapos nito, ang mga sample ay inilipat sa PDEA para sa Chemical laboratory analysis na nagkumpirma na ang nasabing mga substance ay naglalaman ng Tetrahydrocannabinol o Marijuana, isang mapanganib na gamot sa ilalim ng R.A. No. 9165.

Isang Warrant of Seizure and Detention ang inisyu laban sa subject shipment dahil sa paglabag sa Section 118 (g), 119 (d), at 1113 par. f, I, at l (3 at 4) ng R.A. No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na may kaugnayan sa R.A. No. 9165.

Sa joint operation ng BOC-Clark at PDEA sa Mabalacat City, Pampanga, naaresto ang isang 28-anyos na lalaking claimant dahil sa paglabag sa R.A. 9165 na may kaugnayan sa Seksyon 1401 ng CMTA, at kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA. Jay Reyes