MANILA, Philippines – Mahigit P120 milyong halaga ng tulong ang nakahanda para sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng Habagat at mga nagdaang bagyo.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), ang mga apektadong magsasaka at mangingisda ay maaaring makapag-avail ng P121.60 milyong halaga ng farm inputs katulad ng bigas, mais at vegetable seeds.
Mayroon ding P1 milyong halaga ng gamot at biologics, animal feeds, at supplements para sa livestock at poultry.
“Kapag ganitong may mga bagyo, pagbaha, naka-ready na ‘yung ating mga opisina sa mga regional offices natin, na mga prepositioned na mga binhi at pataba, na kapag naapektuhan sila at na-damage yung kanilang mga pananim, at ready na sila magtanim ay nakahanda na mamahagi yung ating mga regional offices ng mga inputs,” sinabi ni DA spokesperson Arnel de Mesa sa panayam ng DZBB nitong Linggo, Agosto 9.
Dagdag pa, nag-aalok din ang DA ng hanggang P25,000 loanable amount mula sa Survival and Recovery (SURE) Loan Program sa pamamagitan ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC).
Mayroon ding indemnification sa insured na mga apektadong magsasaka sa ilalim ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
“And then nakahanda rin ‘yung ating tinatawag na survival and recovery loan packages para sa kanila. Of course, kung mayroong matinding pagkasira, ‘yung ating quick response fund for recovery and rehabilitation ng mga damaged areas natin,” ani De Mesa.
Ayon sa opisyal, ang mga apektadong magsasaka at mangingisda ay maaaring magtungo sa pinakamalapit na municipal agricultural officer.
Hanggang noong Agosto 6, iniulat ng DA ang P29.27 milyong halaga ng pinsala sa mga tanim na palay, mais, at high-value crops sa Ilocos Region, Calabarzon, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, at Soccsksargen.
Mayroon ding 1,829 magsasaka at 909 ektarya ng agricultural areas at 422 metric tons ang napaulat na naapektuhan ng Habagat at Bagyong Kiyapo.
“Itong mga bagyo, lalo na yung pumapatak sa bahagi ng Luzon, ay nakakatulong para tumaas yung level ng mga dams….Ito ay maganda in preparation para sa upcoming strong El Niño na posibleng maasahan sa huling bahagi ng taon,” sinabi ni De Mesa. RNT/JGC