MANILA, Philippines – Arestado sa ikinasang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Parañaque City police ang isang high value individual (HVI) na nakumpiskahan ng ₱2,055,900 halaga ng party drugs Huwebes ng hapon, Nobyembre 7.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Bernard Yang ang nadakip na suspect na si alyas Kylie, 26.
Base sa report na isinumite ni ni Parañaque City police officer-in-charge P/Col. Melvin Montante kay Yang, naganap ang pagdakip sa suspect dakong alas 5:35 ng hapon sa kahabaan ng Greenheights Avenue, Brgy. San Dionisio, Parañaque City,
Sinabi ni Yang na sa ikinasang operasyon ng SDEU ay narekober sa posesyon ng suspect ang 141 gramo ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng ₱747,300; 153 gramo ng hinihinalang ketamine na nagkakahalaga ng ₱765,000; 274 gramo ng high-grade marijuana (kush)na may halagang ₱411,000; 78 piraso ng ecstasy tablets (₱132,600), weighing scale, at ang ₱1,000 na nakapatong sa ₱64,000.00 boodle money na ginamit sa buy-bust operation.
Ang mga narekober na ilegal na droga ay dinala sa PNP Southern Police District Forensic Unit (SPDFU) para sumailalim sa quantitative at qualitative analysis.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 Art II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng SDEU.
Pinuri naman ni Yang ang SDEU Parañaque sa kanilang patuloy na accomplishment kaugnay sa agresibong kampanya laban sa ilegal na droga sa lungsod. James I. Catapusan