MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin ang Iligan Medical Center College (IMCC) sa Iligan City matapos umani ng batikos kaugnay ng umano’y pagbabawal sa mga Muslim nursing student na magsuot ng hijab sa kanilang capping ceremony at clinical duties.
Sa pahayag nitong Lunes, Nobyembre 9, nilinaw ng pamunuan ng kolehiyo na hindi nito layuning makasakit o magparamdam ng diskriminasyon sa sinumang miyembro ng kanilang akademikong komunidad.
Nangako rin ang IMCC na rerepasuhin at babaguhin ang kasalukuyang uniform policy sa pamamagitan ng konsultasyon sa iba’t ibang sektor, habang isinasaalang-alang ang mga paniniwalang panrelihiyon, kultura, umiiral na batas at professional standards.
Nauna nang itinanggi ng kolehiyo na mayroon itong pangkalahatang pagbabawal sa pagsusuot ng hijab sa loob ng campus.
Gayunman, iginiit ng mga Muslim student na may mga restriksyon sa paggamit ng hijab sa ilang gawaing pang-akademiko, partikular sa nursing capping ceremony at clinical training.
Nitong Nobyembre 9, nakipagdayalogo sa pamunuan ng paaralan ang Muslim civic leader at women’s rights advocate na si Samira Gutoc kasama ang mga kinatawan ng IMCC Muslim Students Association at National Commission on Muslim Filipinos (NCMF).
Nauna ring idinulog ng NCMF Northern Mindanao sa Commission on Higher Education (CHED) ang reklamo ng mga estudyante noong Nobyembre 4.
Layunin ng kanilang hakbang na matiyak na maipagpapatuloy ng mga Muslim student ang kanilang pag-aaral nang hindi isinasantabi ang kanilang mga paniniwalang panrelihiyon.
Samantala, nagpahayag din ng suporta ang ilang organisasyon ng kabataan at Muslim students sa panawagang magkaroon ng malinaw at makatarungang patakaran sa pagsusuot ng hijab.
Sa ilalim ng CHED Memorandum Order No. 47, Series of 2016, may mga alituntunin para sa pangangalaga sa karapatang panrelihiyon ng mga estudyante sa mga institusyon ng mataas na edukasyon.
Hindi pa malinaw kung kailan matatapos ang pagrepaso ng IMCC sa uniform policy nito at kung anong mga pagbabago ang ipatutupad. Mary Anne Sapico