MANILA, Philippines – “Hindi ako ang magnanakaw, hindi ako contractor. May delicadeza po ako!”
Ito ang naging tugon ni Senator Christopher “Bong” Go matapos siyang sampahan sa Office of the Ombudsman, kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pa, ng kasong plunder ni dating Senador Antonio Trillanes Iii.
Binansagang “attack dog”, sinabi ni Go na mali ang “kinakahulan” ni Trillanes dahil ang mga dapat na kasuhan aniya ay ang mga mismong korap na financier ng dating senador.
“Trillanes, you are barking at the wrong tree. Kung seryoso ka talaga bakit hindi mo kasuhan ‘yung mga totoong mga korap talaga. Bakit hindi mo kasuhan ‘yung financiers mo, ‘yung mga congtractor. Alam mo ‘yon, alam mo ‘yon,” idinii ni Go.
Sinabi ni Go na hindi bagay kay Trillanes ang pagmamalinis at hindi nito dapat ilihis ang totoong isyu.
“Dito lang tayo sa katotohanan. Seek the truth not the script, not the playbook. Nasaan na ‘yung mga dapat kasuhan sa isyu ng flood control? Nasaan na? ‘Yung mga buwaya ba’t pilit n’yong pinagtatakpan? Yung totoong isyu rito flood control at ghost projects. Nasaan na po?” ang tanong ni Go.
Ani Go, ang mga “buwayang congtractor” ang dapat habulin ni Trillanes ngunit hindi nito magawa dahil sila ang kanyang mga financier.
“Tama ‘yung sinabi ni Sen. Bato (Dela Rosa) noon na may mga financier ka. Baka nga ‘yung ginamit mong pondong ‘yon ay nanggaling pa sa flood control. Yung pag-iimbestiga mo noon kay dating Pangulong Duterte maaaring galing pa ‘yon sa flood control,” sabi ni Go.
Ayon kay Go, inaasahan na niya ang reklamo laban sa kanya at sa dating Pangulo ngunit ngayong ito ay nasa “proper forum” na ay mapatutunayan niyang walang basehan ang mga alegasyon.
“I now have the opportunity to answer him point by point before the Ombudsman and not on media anymore.”
“I will cooperate with the investigation and abide by its legal processes. The truth will be revealed and believe that justice and fairness shall prevail. I hope that the Ombudsman will be fair,” anang senador.
Muli niyang idiin na kasama siya ng sambayanang Pilipino sa krusada laban sa korapsyon sa gobyerno.
“Labanan po natin ang korapsyon, ikulong po ang mga kurakot at mga magnanakaw, ikulong ang mga buwaya at mga mastermind!” ani Go.
Umapela siya sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), sa Ombudsman at sa DPWH na tumbukin ang katotohanan dahil kapag sila ay nagkamali ay mas gugulo ang bayan sa sobrang galit ng taumbayan.
“Mayroong nanggugulo e. Mayroong nasa likod nito na ginugulo lang po ‘yung katotohanan. Isa po itong lumang tugtugin mula sa lumang script. Ang layunin ni Trillanes ay proteksyonan ang kanyang mga financier at mga nasa likod ng black propaganda na ito,” pahabol ni Go. RNT