Manila, Philippines – Nilinaw ni dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara na hindi siya bahagi ng anomang ghost projects na iniimbestigahan ng Senate blue ribbon committee at ng kongreso.
Ayon kay Alcantara, kung mayroon man siyang pagkakasala, ito ay ang naging pagkukulang niya at pagtitiwala sa kanyang mga dating tauhan noong siya pa ang DE ng Bulacan.
Sa kanyang paglilinaw, sinabi ni Alcantara na matapos ang State of the Nation Address ni Pangulong Marcos noong July 28 na tumukoy sa “guni-guni projects”; kaagad niyang ipinatawag ang kanyang Assistant DE na si Brice Erickson Hernandez at ang iba pang opisyal upang magsagawa ng imbentaryo sa kanilang mga naging proyekto.
“Ang una kong sinabi sa kanila, baka may mga kulang sa sukat na project, halimbawa kung 500 meters, dapat eksakto ‘yun sa sukat. Pati ang kalidad ng proyekto pinatingnan ko matapos ang SONA ni Presidente. Wala pa akong idea na may ghost projects sa aming area of responsibility,” sabi pa ni Alcantara.
Dahil sa ipinagawa niyang project inventory, doon pa lang niya nadiskubre na may mga guni-guning proyekto na kagagawan ng kanyang mga dating tauhan.
“Isinusumpa ko sa harap ng aking pamilya, hindi ako kailanman naging bahagi ng guni-guni projects. Inaamin kong nagkaroon ako ng pagkukulang at masyadong nagtiwala sa aking mga tauhan subalit kailanman ay hindi ko iyon kukunsintihin kung nalaman ko lang agad,” sabi pa ni Alcantara.
Naniniwala rin sa Alcantara na mananaig ang katotohanan sa bandang huli dahil malinis ang kanyang konsensiya na wala siyang partisipasyon sa naging kalokohan ng kanyang mga dating tauhan. RNT