MANILA, Philippines – Itinanggi na umano ang asylum request ni dating presidential spokesperson Harry Roque, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Martes.
“By the way, tapos na ‘yung asylum, na-deny ‘yung asylum ni Harry Roque. Tapos na ‘yung five months. Kung may red notice na, kukunin ko siya,” ani Remulla sa isang press briefing.
Hindi tinukoy ni Remulla kung aling bansa ang tumanggi sa asylum application ni Roque. Sinabi niyang aalamin at aayusin niya ang mga detalye ng proseso dahil hindi siya ang humahawak ng kaso.
Ayon kay Remulla, maaari nilang ibalik si Roque sa Pilipinas kapag may inilabas nang red notice laban sa dating opisyal.
Kinumpirma ni Roque noong Nobyembre 2025 na nag-apply siya ng asylum sa Netherlands noong Marso. Iniulat na naipasa ang kanyang petisyon sa Austria dahil dito siya nabigyan ng visa.
Nahaharap si Roque sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng POGO firm na Lucky South 99.
Sinabi na rin ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na hiniling ng pamahalaan sa International Criminal Police Organization (Interpol) ang paglalabas ng red notice laban kay Roque. RNT/MDS