Home HOME BANNER STORY Hontiveros nagsampa na ng kaso vs ‘utak’ ng Alyas Rene video

Hontiveros nagsampa na ng kaso vs ‘utak’ ng Alyas Rene video

(via Cesar Morales)

Naghain ng reklamo sa National Bureau of Investigation si Senadora Risa Hontiveros laban kay Michael Maurilio o “Alyas Rene” at sa social media account na “Pagtanggol Valiente” kaugnay ng video na nagsasabing siya umano ang nagtulak sa mga testigo laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte, VP Sara Duterte, at Apollo Quiboloy.

Ayon kay Hontiveros, layunin ng reklamo na tukuyin kung sino ang nasa likod ng paggawa ng mga video.

May be an image of 4 people, hospital and text
(via Cesar Morales)

“Pangunahing layunin ng reklamo alamin kung sino-sino ang nasa likod ng pag produce nung video, dalawang video na, ni Michael Maurilio dahil hanggang ngayon wala pa rin umaamin, wala pa ring umaangkin,” anang senadora.

Mariin niyang itinanggi ang mga paratang at tinawag itong “mapanganib na kasinungalingan” na nakatuon hindi lang sa kanya kundi pati sa Senado, kanyang staff, at mga testigo.

Nauna nang nagpatotoo si Maurilio sa Senado hinggil sa umano’y pang-aabuso ni Quiboloy at pagkakita sa mga Duterte na may dalang armas.

Ayon kay Hontiveros, humingi pa ito ng tulong noon matapos umanong dukutin, at nananalangin pa rin siya sa kaligtasan nito.

“Nananalangin pa rin ako para sa kanyang kaligtasan. Sana matukoy kaagad ng PNP-Davao kung nasaan siya at mailigtas. Pero gayon pa man kailangan na niya magpaliwanag at managot kung bakit siya nagsisinungaling sa mga video na ito,” ayon pa kay Hontiveros.

Humiling din si Hontiveros sa NBI na imbestigahan ang mga vlogger na nagpapalaganap ng video. Aniya, maaaring madagdagan pa ang mga kakasuhan bukod sa cyberlibel. RNT