Home HOME BANNER STORY House prosecution tinapos paghain ng ebidensya sa threat charge vs VP Sara

House prosecution tinapos paghain ng ebidensya sa threat charge vs VP Sara

3
0

MANILA, Philippines – Tinapos na ng House prosecution panel ang paghahain ng ebidensiya sa impeachment charge kaugnay ng pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos.

Sa ika 9 na araw ng paglilitis kung saan humarap si NBI Director Melvin Matibag ay ipinagpatuloy ang cross examination at ang pagtatanong ng mga senator judges, pagkaraan nito ay ipinaalam ni lead prosecutor Batangas Rep. Gerville Luistro na hindi na kailangan ng prosekusyon ang isang redirect examination.

Si Matibag ang ikatlo at huling saksi ng prosekusyon sa impeachment article na nagmula sa pahayag ni Duterte noong Nob. 23, 2024 sa isang pressconference kung saan inamin nito na mayroon syang kinausap na hitman para patayin sina Marcos, First Lady Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.

Hindi titigil ang hitman  hanggang sa mapatay ang tatlo at isasagawa ito kapag may nangyaring masama kay Duterte.

Bago umupo sa witness stand si Matibag, inihain muna ng prosekusyon ang testimonya nina NBI Senior Agent John Mark Calilung at NBI Regional Director Jeremy Lotoc.

Sa cross-examination ipinagtanggol ni Matibag ang assessment ng NBI, aniya, hindi maaaring balewalain ng law enforcement ang mga pahayag na maaaring magbanta sa kaligtasan ng publiko.

“Mahirap po para sa aming law enforcement na yung ganyang mga statement ay aming pong babalewalain,” paliwanag ni Matibag.

Inhalimbawa nito ang seryosong pagtrato sa mga bomb joke, aniya, kung ang ganitong potensyal na banta ay tinututukan ay mas lalo na buhay ng pinakamataas na opisyal ng bansa ang nakasalalay.

Sa pagtestigo ni Matibag iginiit nito na ang pagbabanta na ginawa ni VP Duterte ay nagpatunay na sa betrayal of public trust, kahit pa hindi matukoy ng mga imbestigador kung sino talaga ang taong kinausap nito para para patayin si Pangulong Marcos.

“Because the point being is, the betrayal of public trust was already been consummated when she publicly admitted, there is already an admission that she contracted a killer, a mamamatay-tao, an assassin, to kill the President,” paliwanag nito.

Sa kanyang direct examination ibinunyag ni Matibag na natukoy na ng special task force ng NBI ang ilang “persons of interest” na maaaring makatulong para matukoy kung sino ang kinontak ni Duterte.

Inilarawan niya ang imbestigasyon bilang “continuing and active,” at ikinatwiran na maaaring makasira sa imbestigasyon, malantad ang intelligence assets, at manganib ang mga informant kapag inilantad ang pagkakakilanlan ng mga persons of interest.

Sinuri ng task force ang banta gamit ang limang protective intelligence factor, kabilang ang bigat ng banta, pagkakakilanlan ng gumawa nito, kakayahan, motibo o intensyon, at ang tinawag ng mga imbestigador na pattern of violence.

Kabilang sa mga materyales na sinuri ang mga pampublikong pahayag ni Duterte bago at pagkatapos ng Nob. 23, 2024, kasama ang naunang pahayag nito hinggil sa pagpugot ng ulo ni Pangulong Marcos, gayundin ang iba pang impormasyon.

Sa pagtatapos ng testimonya ni Matibag, pormal na ipinahayag ng House prosecution na nagpahinga na ito sa ebidensiya para sa grave threat.

Sa July 29 na ang susunud na paglilitis ganap na alas 10:00 ng umaga kung saan sisimulan na ang pagprisinta ng prosekusyon sa Article 2 o may kaugnayan sa confidential funds. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here