Home OPINION HUSAY AT GALING NG NCRPO COPS KINILALA NG PNP

HUSAY AT GALING NG NCRPO COPS KINILALA NG PNP

NOONG dalawang huling linggo ng Mayo, may ilang mga pulis ang nasangkot sa krimen kung kaya’t nalagay na naman sa balag ng alanganin ang Philippine National Police.

May mga pulis na nasangkot sa kidnap for ransom at mayroon din sa carnapping na talagang nagpababa ng tiwala ng mamamayan sa mga pulis na ang mantra ay “to serve and protect.”

Gayunman, upang muling mapataas ang moralidad ng mga mabubuting pulis na naglilingkod ng tapat at nagseserbisyo sa pamayanan ay binigyang pagkilala ng PNP sa pangunguna ng top cop na si P/Gen Rommel Francisco Marbil.

Inuna ni C,PNP ang National Capital Region Police Office sa pagkilala ng kagalingan at kahusayan ng mga tauhan nito sa pagresolba ng krimen na naganap sa kanilang area of responsibility o kahit sa labas nito basta ang layon ay maging maayos at mapayapa ang pamayanan.

Kabilang sa mga pinarangalang pulis ay ang mga nakahuli ng mga suspek na sangkot sa iba’t ibang krimen tulad ng road rage incident sa tunnel ng Ayala sa Makati kung saan may nasawi at naaresto ang trigger happy suspect, tatlong kaso ng muder sa Las Piñas City, pagpatay sa isang chairman sa Muntinlupa at mga kaso ng paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.

Una sa mga pinarangalan si NCRPO director PMGen Jose Melencio Nartatez Jr. na tumanggap ng Medalya ng Katangi-tanging Gawa bunga nang walang tigil na pagpupursige sa mga tauhan nito sa
paglutas ng mga krimen at pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa iba’t ibang kaso.

Tumanggap din ng Medalya ng Katangi-tanging Gawa si P/Col Jess Mendez, hepe ng Regional Intelligence Division ng NCRPO at maging ang kanyang mga tauhan dahil sa pagkahuli sa isang Canadian na pinaghahanap ng batas dahil sa pagkakasangkot nito sa iligal na droga.

Ipinagmamalaki ni Marbil ang NCRPO sa pangunguna ni Nartatez sapagkat bukod sa husay at galling ng mga ito, kahit walang parangal ay ginagawa ng mga ito ang kanilang trabaho na magsilbi sa lahat ng klase ng tao sa lipunan – mayaman o mahirap man.

Para kina Marbil at Nartatez, prayoridad nila ang kaligtasan ng bawat sibilyan sapagkat sa Bagong Pilipinas, ang gusto ng pulis – Ligtas ka!