Home NATIONWIDE Iba pang Kanlaon evacuees pinauwi na sa kawalan ng pondo

Iba pang Kanlaon evacuees pinauwi na sa kawalan ng pondo

221
0

MANILA, Philippines – Nasa 586 pamilya na binubuo ng 1,850 miyembro na tumutuloy sa evacuation centers mula pa noong Disyembre 2024 sa La Castellana, Negros Occidental, ang pinauwi na sa kani-kanilang mga tirahan matapos na maubusan na ng pera ang lokal na pamahalaan para pakainin ang mga ito.

Ayon kay Mayor Añejo Nicor, ang mga pamilya na kinailangang ilikas mula sa mga lugar na pasok sa 5.2 kilometer radius ng Bulkang Kanlaon nang pumutok ang bulkan noong Disyembre 9, 2024, ay nakauwi na sa kani-kanilang mga lugar.

Ang mga residente na pasok sa 6 kilometer radius ng expanded danger zone (EDZ) ng Kanlaon ay hindi pa rin sana dapat papauwiin ngunit wala na silang pondo para panatilihin ang mga evacuee.

Iginiit niya na hindi lahat ng evacuees ay pinauwi na dahil mayroon pa ring mga residente na pasok sa 4-km permanent danger zone ang kanilang mga tirahan, na tumutuloy pa ngayon sa evacuation centers.

Matatandaan na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglalabas ng P48,521,000 para sa La Castellana noong Mayo, ngunit sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi pa nito nada-download ang pondo para sa LGU.

Anang alkalde, dalawang beses na silang nagpasa ng kaukulang mga dokumento sa DBM ngunit wala pang natatanggap na tugon.

Ani Nicor, ang desisyon na payagang pauwiin ang mga evacuee ay ginawa ng mga miyembro ng Incident Management Team at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here