Home ENTERTAINMENT Iba pang mga biniktima raw ni Tan, lalantad na!

Iba pang mga biniktima raw ni Tan, lalantad na!

Manila, Philippines- Domino effect.

Ito ang angkop na paglalarawan sa mga sunud-sunod na kaso ng sexual abuse, assault, harassment o molestation na mainit na paksa ngayon sa showbiz.

At kung analisahin, the latest to have come out para papanagutin ang composer/director/manager/ producer na si Danny Tan ay si Enzo Almario.

Ayon kay Enzo–na miyembro ng Sugarpop na itinatag ni Tan–ay dose anyos lang siya noong 2005 nang siya’y gahasain nito umano.

Nagkaroon ng lakas ng loob si Enzo na lumantad nang mapanood niya si Gerald Santos sa isinagawang hearing sa Senado.

Sa kaso ni Gerald, lumakas din daw ang kanyang loob nang isiwalat na ni Sandro Muhlach ang kanyang sinapit sa dalawang independent contractors ng GMA na sina Jojo Nones at Richard Dode Cruz.

Ayon sa latest edition ng Ichica Mo Na, Dali! nina Ogie Diaz, makaraan daw lumantad ni Enzo ay ibinalita nila na marami pa raw na umano’y biniktima ni Tan ang balak na ring mag-come out.

Ito rin naman kasi ang ipinahayag na adbokasiya ni Gerald.

Aniya, layunin daw niyang hikayatin ang iba pang biktima para makamit ang hustisya.

Naninindigan ang singer na bukod sa kanya at kay Enzo ay marami pang menor de edad ang pinagsamantalahan ni Tan.

Bahagi nga ng pahayag ni Enzo sa social media: “He took advantage of our innocence!”

Sa ngayon ay nananatiling tahimik pa rin si Tan ukol sa mga paratang sa kanya.

Hinihimok siya ng online program nina Ogie na magsalita na para bigyang linaw ang kinakaharap na isyu.

Ani Ogie: “Kasi, kung isa, dalawa, tatlo na ang nagsasabi ng pare-parehong kuwento tungkol sa isang tao, puwedeng maniwala na ang mga tao sa kanila.”

Ang tanong–nasaan na nga ba si Mr. Danny Tan? Ronnie Carrasco III