ISLAMABAD, Pakistan – Nanawagan ang iba’t ibang world leaders na ipagpatuloy ng Estados Unidos at Iran ang negosasyon matapos mabigong magkasundo ang dalawang bansa sa usapang pangkapayapaan sa Islamabad nitong Linggo.
Ayon kay Pakistani Foreign Minister Ishaq Dar, mahalagang ipagpatuloy ng magkabilang panig ang kanilang commitment sa ceasefire at patuloy na magsagawa ng dayalogo.
“It is imperative that the parties continue to uphold their commitment to cease fire,” aniya.
Idinagdag din niya na patuloy na gaganap ang Pakistan bilang tagapamagitan upang mapadali ang pag-uusap ng US at Iran.
Nanawagan din ang European Union na mahalaga ang diplomasya upang maresolba ang krisis sa Gitnang Silangan, at pinuri ang Pakistan sa ginampanang papel nito bilang mediator.
Samantala, inihayag ni Russian President Vladimir Putin ang kahandaan ng Russia na tumulong sa pag-aayos ng kapayapaan sa rehiyon.
Ayon sa UK, nakakalungkot na walang breakthrough sa negosasyon ngunit nananatiling mahalagang ipagpatuloy ang pag-uusap.
Ganito rin ang paninindigan ng Australia, na nagsabing dapat ipagpatuloy ang ceasefire at muling bumalik sa negosasyon sa pagitan ng US at Iran.
Sa kabila ng pagkabigo ng talks, nananatiling bukas ang maraming bansa sa pagpapatuloy ng diplomasya upang maiwasan ang mas malawak na krisis sa Gitnang Silangan. RNT/MND