Home NATIONWIDE ICC, ibinasura hirit ni Digong sa mandatory expert verification ng digital evidence

ICC, ibinasura hirit ni Digong sa mandatory expert verification ng digital evidence

1
0

MANILA, Philippines — Ibinasura ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang hiling ng depensa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na obligahing samahan ng expert verification report ang open-source at user-generated materials na ihaharap bilang ebidensya sa kanyang kaso. Ang desisyon ay inilabas noong Setyembre 28.

Hiniling ng kampo ni Duterte na amyendahan ang E-Court Protocol ng ICC at lagyan ng “Expert Verification” field ang naturang mga materyal. Iginiit ng depensa na mahalaga ang dagdag na beripikasyon dahil maaaring may mga online content na nabago, minanipula o hindi sapat ang impormasyon upang matukoy ang pinagmulan at pagiging authentic ng mga ito.

Gayunman, hindi pinagbigyan ng Trial Chamber ang panukalang gawing mandatory ang expert report para sa lahat ng ganitong ebidensya, dahil maaari umano itong magdulot ng hindi kinakailangang pagkaantala sa paglilitis.

Nauna ring iginiit ng prosekusyon na dapat matukoy case-by-case kung kailangan ng expert verification sa isang open-source o user-generated material, sa halip na awtomatikong ipataw ito sa lahat.

Samantala, pinagbigyan ng Chamber ang hiwalay na kahilingan ng prosekusyon na magkaroon ng field sa E-Court system para maitala ang URL ng online material sa oras na ito ay nakuha o na-capture. Inatasan din ang ICC Registry na ihain ang amended E-Court Protocol pagsapit ng Oktubre 2.

Nilinaw ng desisyon ang proseso sa pagtatala at paghawak ng digital evidence; hindi nito awtomatikong tinutukoy na authentic o admissible ang lahat ng open-source materials na isusumite sa paglilitis. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here