MANILA, Philippines – Maaaring hilingin ng International Criminal Court (ICC) anumang oras ang pag-aresto kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa kahilingan ng prosekusyon habang tinatasa pa ang kalusugan at kakayahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na humarap sa paglilitis, ayon kay ICC-accredited Assistant to Counsel Kristina Conti nitong Lunes, Oktubre 13.
“This issue could actually proceed independently of a warrant of arrest against Bato or others, because at this point, the prosecution is just sitting around and waiting for results. Wala na po siyang ginagawa,” pahayag ni Conti sa panayam ng ANC.
Ito ay matapos ipagpaliban ng ICC ang confirmation of charges hearing ni Duterte na orihinal na itinakda noong Setyembre 23, dahil sa pahayag ng depensa na hindi umano kayang humarap ng dating pangulo sa paglilitis dahil sa kalusugan nito.
Ayon kay Conti, kasalukuyang kumukonsulta ang ICC sa mga health experts upang alamin kung tunay ngang hindi kayang sumailalim ni Duterte sa paglilitis.
Natanggap na rin umano ng ICC ang mga resulta ng pagsusuri, kabilang ang sa isang psychiatrist, ngunit maaaring matagalan pa kung mauulit ang mga ito.
Si Dela Rosa, na hepe ng Philippine National Police (PNP) noong administrasyong Duterte, ang nanguna sa madugong war on drugs na kabilang sa mga reklamong crimes against humanity na humantong sa pagkaka-aresto ni Duterte noong Marso 11 at pagkakakulong sa The Hague, Netherlands.
Ibinunyag ni Conti na nabanggit ang pangalan ni Dela Rosa at walo pang iba sa draft charges laban kay Duterte.
“The prosecution has already built up a case against Bato Dela Rosa at the least,” aniya.
Bagaman hindi tinukoy sa publiko ang ibang pangalan, sinabi ni Conti na dalawa ay mga pulis, isa ay opisyal ng gobyerno, isa ay malapit kay Duterte, at isa pa ay kaibigan ng dating pangulo.
“These eight players are also considered among the most responsible,” dagdag pa ng abogado.
Gayunman, aminado si Conti na magiging mahirap ang pag-aresto kay Dela Rosa dahil sa kanyang katayuan bilang senador at posibleng pag-aatubili ng mga ahensyang tagapagpatupad ng batas gaya ng PNP at NBI na arestuhin ang isang dating pinuno.
Samantala, inaasahan ni Conti na ang pinakamaagang petsa ng confirmation of charges hearing ni Duterte ay Enero o Pebrero 2026, matapos ang posibleng apela at mga recess ng korte sa Disyembre.
Nilinaw rin niya na ang nasabing pagdinig ay hindi pa simula ng paglilitis, kundi bahagi lamang ng proseso upang pagtibayin ang mga kaso. Ang desisyon kung kakasuhan o hindi ang dating pangulo ay inaasahan 60 araw matapos ang pagdinig.
Tinanggihan ng ICC Pre-Trial Chamber ang kahilingan ng kampo ni Duterte para sa pansamantalang paglaya habang nakabinbin ang kaso.
Ayon kay Conti, nakaapekto rin umano sa desisyon ng korte ang mga pahayag at impluwensya ng mga anak ng dating pangulo na sina Vice President Sara Duterte at Davao 1st District Rep. Paolo Duterte. RNT/JGC