THE HAGUE, Netherlands – Tinatayang 60 hanggang 70 saksi ang posibleng gamitin ng mga prosecutor ng International Criminal Court (ICC) sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, at 25 hanggang 30 dito ang inaasahang personal na magbibigay ng testimonya sa korte.
Sa isinumiteng paliwanag sa ICC Trial Chamber III, sinabi ng prosecution na aabutin ng humigit-kumulang 175 hanggang 200 oras ang direktang pag-cross examine ng mga saksi, o katumbas ng mahigit walong araw sa 24-oras na tuloy-tuloy na pagdinig.
Ayon pa sa prosecution, may 13,284 na ebidensyang kailangan pang busisiin at i-disclose kung kinakailangan, bukod pa sa 5,177 na nauna nang naibahagi sa ibang partido.
Target ng prosecution na matapos ang lahat ng kinakailangang proseso, kabilang ang imbestigasyon, disclosure, transcription at translation ng ebidensya, witness applications, expert reports, at trial brief, pagsapit ng Setyembre 30, 2026. Iminungkahi rin nilang magsimula ang trial sa Nobyembre 30, 2026.
Giit nila, kung masusunod ang iskedyul, magiging isa ito sa pinakamabilis na pag-usad ng kaso patungong trial matapos ang confirmation of charges, maliban sa Al Mahdi case na may plea agreement.
Tutol naman ang depensa ni Duterte sa pagtatakda ng petsa ng paglilitis sa puntong ito, at sinabing dapat munang matukoy ang kanyang kakayahang humarap sa paglilitis.
Ayon sa depensa, patuloy umano ang paglala ng kondisyon ni Duterte at kailangan itong masuri muli ng independent experts bago magsimula ang trial. Hinihiling din nila ang regular na pagsusuri ng kanyang fitness habang tumatakbo ang kaso.
Iginiit din ng depensa na kung mapatunayang fit si Duterte, kailangan pa rin nila ng sapat na oras para maghanda matapos ang final disclosure ng prosecution.
Binanggit nila ang mga nakaraang ICC cases kung saan umabot ng ilang buwan hanggang mahigit isang taon ang paghahanda bago ang trial.
Hinihiling din ng depensa na mabigyan sila ng provisional witness list at summaries ng testimonya, at iginiit na ang anumang bagong pagsusuri sa fitness ni Duterte ay dapat may kasamang live testimony.
Samantala, iginiit ng mga abogado ng mga biktima na dapat mas maagang simulan ang trial, dahil matagal na nilang hinihiling ang mabilis na pag-usad ng kaso at pagtutol sa anumang pagkaantala. Iminungkahi nilang maaaring magsimula ang paglilitis sa unang bahagi ng Setyembre 2026.
Hiniling din nila ang paggamit ng Tagalog at Cebuano interpretation sa paglilitis upang mas maunawaan ng mga biktima ang mga pagdinig, lalo na sa pagbabahagi ng mga sensitibong karanasan.
Inatasan ng ICC Trial Chamber III ang lahat ng panig na magsumite ng kanilang obserbasyon bago ang unang status conference sa Mayo 27, kung saan tatalakayin ang iskedyul ng trial, disclosure issues, at iba pang pre-trial matters. RNT/MND