MANILA, Philippines – HINDI kawalan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang ginawang pagbibitiw ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser nito.
Ang katuwiran ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na kompleto na ang komposisyon ng ICI.
Sa katunayan personal na ipinakilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sina dating SC Justice Andres Reyes Jr. bilang ICI chairperson, at sina dating of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Rogelio Babe Singson at Rosana A. Fajardo, isang certified public accountant bilang mga miyembro nito.
Itinalaga rin ng Pangulo si dating Supreme Court (SC) spokesperson Brian Keith Hosaka bilang executive director ng ICI.
Iginiit ni Castro na ang papel ni Magalong sa ICI ay special adviser lamang.
“Ang kaniya pong pagbibitiw bilang special adviser ay pinapanalangin naman po na hindi ito makakaapekto sa magiging trabaho ng ICI dahil kumpleto naman po ang ICI at nandoon pa rin po ang integridad ng miyembro ng ICI. At in addition to that, nandiyan na rin po ang executive director,” ayon kay Castro.
“So, ang pagiging special adviser po niya ay boluntaryo po at kung siya po pa rin ay makakatulong para po maibigay ang kaniyang mga impormasyon, iyan naman po ay welcome pa rin po sa ICI,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, kinumpirma ni Castro na tinanggap na ni Pangulong Marcos ang resignation letter ni Magalong bilang special adviser ng ICI.
“At kinikilala naman po ng ating Pangulo ang kagalingan ni Mayor Magalong,” aniya pa rin.
At sa tanong kung may kapalit na si Magalong bilang special adviser, ang tugon ni Castro ay ‘wala pa. Kris Jose