MULING pinatunayan ng Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund) ang kanilang dangal sa pamamahala ng pondo matapos igawad ng Commission on Audit (COA) ang “unmodified audit opinion” para sa ika-13 magkakasunod na taon.
Ang pagkilalang ito ay itinuturing na pinakamataas na antas ng opinyon na ibinibigay ng mga state auditor sa isang ahensya ng pamahalaan.
Ibig sabihin, ang lahat ng financial statements ng Pag-IBIG Fund mula pa noong 2012 hanggang 2024 ay tapat, malinaw, at walang nakitang malalaking pagkakamali o iregularidad.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta, ang naturang track record ay hindi lamang isang simpleng sertipikasyon kundi bunga ng disiplina at pananagutan ng buong institusyon. Binigyang-diin niya na ang tiwalang tinatamasa nila ngayon ay resulta ng matapat na pag-uulat at mahusay na operasyon sa loob ng mahigit isang dekada.
“Ang tiwalang ito ay hindi basta-basta nakakamtan kundi resulta ng patuloy na mahusay na pamamalakad at matapat na pag-uulat ng institusyon,” pahayag ni Acosta.
Garantya ng Pag-IBIG Fund para sa 17 Milyong Miyembro, “Safe ang ipon mo dito”!
Sa kasalukuyan, mayroong mahigit 17 milyong miyembro ang Pag-IBIG Fund. Para sa mga ordinaryong manggagawa, ang audit opinion na ito ay nagsisilbing garantiya na ang kanilang mga pinaghirapang kontribusyon at ipon ay ligtas at hindi nadaraan sa anomang “hokus-pokus.”
Dahil sa maayos na audit rating, mas lalong tumitibay ang kumpiyansa ng publiko na ang mga pondo ay nagagamit sa mga tamang proyekto, gaya ng housing loans at iba pang short-term loans, na naaayon sa batas at sa pinakamataas na pamantayan ng pamamahala.
Kinilala rin ni CEO Acosta ang mahalagang tungkulin ng media sa pagpapaliwanag ng mga komplikadong patakaran ng ahensya. Aniya, ang tamang impormasyon ay susi upang mas maraming pamilyang Pilipino ang makinabang sa mga programa ng Pag-IBIG para sa kanilang kinabukasan.
Sa kabila ng mga hamon sa ekonomiya, ang 13 magkakasunod na taong “clean record” ng Pag-IBIG Fund ay nananatiling matibay na pundasyon ng kanilang serbisyo-publiko, na nagpapatunay na ang tapat sa pamamahala ay posible at dapat asahan sa gobyerno.






