Home NATIONWIDE Ika-8 PSAC meeting pinangunahan ni PBBM; estado ng imprastruktura sa bansa tinalakay

Ika-8 PSAC meeting pinangunahan ni PBBM; estado ng imprastruktura sa bansa tinalakay

3
0

MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules ang ika-8 pulong ng Private Sector Advisory Council (PSAC) upang talakayin ang sektor ng imprastraktura sa Pilipinas.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, dumalo sa pulong ang iba’t ibang opisyal ng pamahalaan at mga eksperto mula sa pribadong sektor.

“Kabilang sa mga paksa sa nasabing PSAC meeting ang structural resilience and building safety; quality and safety of imported cement; disaster resilience and flood management; at water security and infrastructure resilience,” ang pahayag ni Castro.

“Sa tulong ng pinagsamang kilos ng pamahalaan at mga rekomendasyon ng private sector, inaasahang magiging mas ligtas at matibay ang ating mga imprastraktura laban sa mga sakuna gamit ang building materials na mas mataas ang kalidad,” dagdag pa ni Castro.

Layunin din aniya ng pulong na makahanap ng solusyon paano mababawasan ang pagbaha sa mga komunidad na malapit sa Laguna de Bay at Southern Metro Manila, pagpapalakas sa water security at climate resilience ng bansa sa pamamagitan ng angkop na pagtugon sa mga panganib sa tubig na dulot ng climate change, at pagpapabilis sa pagpapatupad ng mga proyekto sa imprastraktura para sa suplay ng tubig.

Ayon kay Castro, ipinatitiyak ng Pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kalidad ng mga pamantayan sa pagtatayo ng mga gusali at ang structural resilience sa panahon ng kalamidad.

Inatasan din ang pag-update sa mga master plan para sa mga pangunahing river basin, pagrepaso at muling pagsusuri sa planong pagtatayo ng spillway sa Parañaque City, at pagpapabilis sa pagkumpleto ng mga proyekto sa suplay ng tubig sa mga lugar na matinding naapektuhan ng El Niño phenomenon.

Inaasahang sa pagpapatupad ng mga rekomendasyon ng PSAC ay magiging mas ligtas at mas matatag ang mga imprastraktura sa panahon ng kalamidad, mababawasan ang panganib ng pagbaha sa mga komunidad sa paligid ng Laguna de Bay at Southern Metro Manila, at mapalalakas ang water security at climate resilience ng bansa. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here