Home OPINION ILANG MUKHA NG DROGA (2)

ILANG MUKHA NG DROGA (2)

PERSONAL na lumapit sa ating dyaryong Remate ang isa sa limang natitira umanong magkakasama na naging bata-bata o utusan ng mga pulis sa pagbebenta ng 7-10 kilong shabu kada linggo sa Binondo at Divisoria areas.

Minsang sumikat ang istasyon ng pulis sa pagkakadiskubre ng mga pulis nito ng mga adik mismo na umiiskor sa tagiliran lang ng istasyon.

Pero nang dumating ang gobyernong Digong Duterte, silang mga pulis na masipag na manghuli ng mga adik ang tulak umano ng kilo-kilong shabu.

Pinayuhan natin ang nag-aakusa sa mga pulis na pumatay umano sa kanyang mga kasamahan at nagwawanted sa kanya para patahimikin din sa iskandal ng mga pulis ngunit basta na lang umalis nang walang paalam.

Ipinaabot na lang noong ‘mama’ sa mga nasa labas ng bakod na wala siyang mapagkakatiwalaang pulis kahit kay PNP chief noon na si General Bato dela Rosa.

Kwento niya, pinagbebentahan nila ang isang malaking tulak na may mga sariling tumbador o killer sa mga hindi nagbabayad o kaya’y nagtsutsu sa mga pulis.

Kuwento ng tulak na iyon, pinapatay sila ng mga pulis na ayaw mahagip mismo ng kinatatakutan nilang Oplan Tokhang.

Maaaring totoo o kasinungalingan lang ang kwento ng adik na iyon.

Pero sumisibak na noon si Pang. Digong ng mga heneral sa PNP sa pagkakasangkot sa droga.

Sa ibang lugar naman, may pinagbabaril na kilalang tulak sa iba’t ibang bayan.

Hindi namatay ‘yung mama ngunit nakapagtago at nahirapan ang mga pulis na hanapin siya.

Pero ang mga nakakikilala at kamag-anak niya, nakagpatataka ang mga reaksyon gaya ng “Di pa siya napuruhan.”

Ayaw ring magtestigo pabor kay “Tulak” ang mga kamag-anak at kakilala niya laban sa mga pulis sa posibleng kasong bigong pagpatay sa kanya.

Hindi rin sumasama ang mga kalugar at kamag-anak niyang palasimba sa panawagan ng kura paroko na mag-rally sila laban sa umano’y extra-judicial killings noon.

Naging misteryo iyon sa kura-paroko.