Home NATIONWIDE Ilang nanunuod nag-thumbs down, walk out sa botohan ng Senado sa pag-archive...

Ilang nanunuod nag-thumbs down, walk out sa botohan ng Senado sa pag-archive ng impeachment case ni VP Sara

260
0

MANILA, Philippines – Ilang bisita ang nag-thumbs-down sign at lumabas sa session hall ng Senado, habang ipinapaliwanag ng mga senador ang kanilang mga boto sa desisyong i-archive ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ay base sa isang video na ipinost ng Akbayan Partylist, kung saan makikita si Tindig Pilipinas co-convenor Kiko Dee na tumayo para umalis habang gumagawa ng thumbs-down sign matapos ipaliwanag ni Sen Rodante Marcoleta ang kanyang boto para suportahan ang mosyon para i-archive ang kaso.

Sumunod naman dito si Akbayan President Rafaela David, kasama ang iba pang mga lider, sa mga oras na ipinapaliwanag ni Sen. Imee Marcos ang kanyang boto, bago sila ginabayan ng mga kawani ng Senado palabas ng session hall.

Kaagad pagkatapos ng talumpati ni Marcos, hiniling ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa mga kawani ng Senado na tukuyin ang mga lumilikha ng gulo at palabasin sila sa loob ng gusali.

Sa isang pahayag, binansagan ng Akbayan ang Senado bilang isang “farce and group of clowns,” na tinitingnan ang pagkilos ng pag-archive sa impeachment case ni Duterte bilang katumbas ng dismissal.

“This is a clear betrayal of its constitutional duty. The Senate, once a bastion of democracy and [a] check on abuse, has today declared itself the Senate of the Dutertes,” ayon sa  partylist.

“…The senators may have denied the impeachment its day in court, but they will not escape the judgment of the people. History will remember those who turned their backs on justice. The people shall remember who they must hold accountable,” dagdag nito.

Ang desisyon ng Senado na “i-archive” ang impeachment case laban kay Duterte ay isang pag-amyenda sa orihinal na panukala ni Marcoleta na ibasura ang kaso matapos ideklara ng Korte Suprema na labag sa konstitusyon ang impeachment complaint laban kay Duterte.

Bumoto ang mga senador ng 19 na sang-ayon, 4 ang di sang-ayon, at 1 ang nag abstain sa mosyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here