BAGUIO CITY, Philippines — Pansamantalang ipinasara ng Baguio City Environmental Health and Sanitation Division (EHSD) ang ilang commercial water providers at food establishments matapos bumagsak sa bacteriological water quality tests mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Sa 31 commercial deep wells na sinuri, 11 ang bumagsak sa pagsusuri. Bumagsak din ang 9 water refilling stations, 25 water delivery services, 10 food establishments sa kanilang service water, at 21 establisimyento sa ice cubes na inihahain sa mga inumin.
Inatasan ang mga apektadong establisimyento na pansamantalang itigil ang operasyon, magsagawa ng sanitation at maintenance, sumailalim sa panibagong pagsusuri, at magsumite ng laboratory results bago muling payagang magbukas.
Samantala, dumalo rin ang mga operator ng commercial deep wells sa technical orientation hinggil sa tamang paggamit at maintenance ng chlorination systems.
Patuloy rin ang kampanya ng lungsod laban sa mga ilegal na water business. Siyam na water refilling stations na walang business permit ang nakatakdang ipasara sa mga susunod na araw. RNT/MDS