Home OPINION ILIGAL AT WALANG PERMIT SA PAGBEBENTA NG VAPE PRODUCTS, PINAAALIS NG...

ILIGAL AT WALANG PERMIT SA PAGBEBENTA NG VAPE PRODUCTS, PINAAALIS NG DTI SA ONLINE PLATFORMS

314
0

NAGBIGAY ng babala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga e-commerce platforms na posible silang mapatawan ng mabigat na parusa sakaling hindi nila agad alisin ang mga iligal at walang permit na vape products sa kanilang online lis­tings.

Ayon sa kagawaran, marami sa mga vape na ibinebenta sa internet ay kulang sa tamang health warning labels, tax stamps mula sa Bureau of Internal Re­venue (BIR), at kinakai­langang permit, na malinaw na labag sa Consu­mer Act, Vape Law, regulasyon ng Department of Health (DOH), at mga panuntunan ng BIR.

Mula taong 2023, tinutukan na ng DTI’s Office for the Special Mandate on Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products ang mahigit 92,000 online listings ng vape products. Sa ilalim ng Internet Transactions Act, maaa­ring harapin ng mga online seller at platforms ang multa, blacklist sanctions, at takedown orders.

Batay sa datos ng World Health Organization noong 2019, nasa 809,677 o 12.5 porsyento ng kabataang Filipino ang guma­gamit ng tradisyunal na tabako, habang 913,316 o 14.1 pors­yento ang gumagamit ng e-cigarettes o vape.

Bagama’t itinuturing ng ilan ang vape bilang alternatibo sa tradisyunal na sigarilyo, na­nanatili itong may dalang pa­nganib. Ayon sa DOH, ang kemikal mula sa vape ay maaaring magdulot ng pinsala sa baga at puso, bukod pa sa posibilidad ng addiction sa nicotine.

Sa Pilipinas, mabilis na luma­go ang merkado ng vape ma­tapos aprubahan ang Republic Act No. 11900 o Vape Law noong 2022 na nagtakda ng mas malinaw na regulasyon.

Gayunpaman, nananatiling hamon sa pamahalaan ang pag­pigil sa bentahan ng mga smuggled at unregistered vape products, partikular sa online platforms.

Ayon sa 2021 Global Burden of Disease study, paninigaril­yo ang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa bansa, na may 88,169 na kaso ng pagkasawi. Dahil dito, patuloy na isinusulong ng mga health advocate ang mas mahigpit na implemen­tasyon ng anti-smoking at vape regulations.

Isang malaking hamon sa pa­mahalaan kung paano mababalanse ang pagpigil sa ilegal na bentahan ng vape at ang paglago ng industriya nito, kasabay ng pangangalaga sa kalusugan ng publiko, lalo na ng kabataan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here