Home METRO Illegal POGO sa Multinational, P’que wawalisin

Illegal POGO sa Multinational, P’que wawalisin

Ito ang pagtitiyak na pahayag ng nanalong Pangulo ng Homeowner Association Multinational Village Parañaque na si Arnel Gacutan at tiniyak niyang determinado siyang linisin ang anumang bahid at anino ng POGO sa kanilang lugar.

Ayon kay Gacutan, isang malaking hamon sa kanya ang ipinahayag ng Pangulong Marcos jr., nang sabihing nais ang total ban ng POGO sa bansa.

Nangako si Gacutan na seryoso niyang isasakatuparan ang pagbusisi at pag iikot sa kanilang nasasakupan matapos mabansagan ang Multinational na kuta ng mga Pogo sa South at taguan din umano ng mga pugante na miyembro ng mga pogo.

Sinabi ni Gacutan na nakababahala ang naging epekto ng POGO sa kanilang Village sapagkat nagdulot ito ng masamang imahe sa lahat ng mga naninirahan duon pati na rin sa kanilang mga anak; na sa nangyaring mga raid ay nagkaroon din ang mga homeowners ng pangamba sa kanilang seguridad at nabalot ng takot ang paligid .

Inamin ni Gacutan na sadyang maraming Pilipino ang nalinlang ng POGO dahil sa laki ng mga ibinabayad nito sa mga paupahang bahay at dahil na rin sa tindi ng mga maniobrang ginagawa ng mga ito sa iba’t-ibang pamamaraan na nagdala ng perwisyo  sa malalaking villages at exclusive subdivision sa iba’t- ibang lugar hindi lamang sa Multinational.

“Kaya nga po dapat tayong maglinis. Magbantay at higit sa lahat ay maging mapanuri.  Iyan po ang unang gagawin natin ngayon na nailabas na ng DHSUD ang kanilang desisyon na nagpapatunay na may karapatan na tayong umupo at magpatupad ng mga pagbabago sa loob ng Multinational Village dito sa Paranaque. Napakarami din naman mga Filipino Chinese natin na homeowners na kaagapay natin para mapanatiling maayos ang Village. Gusto nating siguruhin na ang lahat ng ating mga homeowners ay mabibigyan ng proteksyon at prayoridad upang masigurong ligtas ang bawat isa dito sa ating Village,” ani Gacutan na siyang nanalong Pangulo sa nagdaan eleksyon.

Para kay Gacutan, dapat lamang ibalik ang magandang imahe ng Multinational, ang paglalagay ng mga CCTV command center na magmo monitor sa mga buong nasasakupan upang maiwasan ang krimen tulad ng pagpasok ng mga akyat bahay na talamak na nangyayari ngayon sa loob ng Village at mga ilegal na gawain kaugnay nga ng Pogo.

Nagpahayag din si Gacutan ng panawagan sa Dept. of Human Settlement and Urban Development gayundin sa mga kapulisan ng Parañaque na dapat nilang isakatuparan ang batas lalot ang order mismo ay nagmula sa DHSUD kung saan ay inuutusan nito ang dating mga opisyales na sumunod sa Writ of Execution at mahinahon na bakantehin ang opisina ng Multinational Homeowners Association upang magampanan ng mga bagong halal na opisyales ang kanilang tungkulin.

“Mahalaga na maipakita ng DHSUD at ng ating mga kapulisan na walang sinuman ang mas mataas pa sa batas.  Ito ay hamon sa DHSUD bilang mga otorida at nasa poder lalot ang mga kapulisan ang inaasahan sa implementasyon ng batas. Nagsalita na ang ating mga homeowners sa pamamagitan ng kanilang pagboto at marapat lamang na respetuhin natin lahat ang pinili at nanalo sa nakaraan eleksyon sa ating Village. Ang hindi pagsunod ng sinuman ay maituturing na paghamon sa kapangyarihan ng  batas gayundin sa mga awtoridad at mga ahensiya na nasa likod nito,” giit ni Gacutan. RNT