MANILA, Philippines – Magsisimula nang tumanggap ng mas mataas na sahod ang mga manggagawa sa Ilocos at Western Visayas pagdating ng Nobyembre 19, matapos maglabas ng bagong wage orders ang kanilang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa Ilocos Region, tataas ng ₱45 ang arawang sahod sa maliliit na non-agriculture establishments at sa sektor ng agrikultura, kaya magiging ₱480 ang bagong minimum. Sa mas malalaking non-agriculture firms, ₱37 ang dagdag, na magtataas ng minimum wage sa ₱505.
Sa Western Visayas, tatanggap ng ₱37 na dagdag ang mga empleyado sa non-agriculture, industrial, at commercial establishments na may higit 10 manggagawa, kaya magiging ₱550 ang arawang minimum.
Para sa may 10 empleyado o mas kaunti, ₱40 ang umento at magiging ₱525 ang bagong minimum. Makakatanggap din ng ₱40 ang agricultural workers, para sa bagong sahod na ₱520 bawat araw.
May dagdag ding buwanang sahod ang mga domestic worker o kasambahay: ₱700 sa Ilocos at ₱500 sa Western Visayas, na sumasaklaw sa humigit-kumulang 259,819 household workers.
Bahagi ang mga umentong ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa regular na pagsusuri ng minimum wage.
Maaaring mag-apply ng exemption ang maliliit na retail at service establishments, pati mga negosyong tinamaan ng kalamidad, hanggang Enero 17, 2026. RNT