MANILA, Philippines – Nananatiling nasa Blue Alert ang Iloilo City nitong Biyernes, Hulyo 10 habang nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na magpapatuloy ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan dulot ng Habagat, na pinalalakas ng Bagyong Inday (international name: Bavi).
Ayon sa Iloilo City Emergency Operations Center (EOC), nananatiling nakaalerto ang lahat ng disaster response clusters upang agad na tumugon sa posibleng pagbaha at iba pang panganib dulot ng pag-ulan.
Sa Rainfall Advisory No. 10 na inilabas ng PAGASA alas-8 ng umaga, sinabi nitong patuloy na nakaaapekto ang Habagat sa malaking bahagi ng Western Visayas.
Kabilang sa mga inaasahang makararanas ng pag-ulan ang ilang bayan sa Iloilo tulad ng Lambunao, Janiuay, Sara, Balasan, Calinog, Passi City, Bingawan, Lemery, Badiangan, Dueñas, San Enrique, San Rafael, Barotac Viejo, Banate, Anilao, Dingle, San Dionisio, Batad, Estancia, Carles, Concepcion at Ajuy.
Inaasahan ding makararanas ng ulan ang Iloilo City at mga karatig na bayan gaya ng Leganes, Pavia, Oton, Tigbauan, Guimbal, Miagao, Dumangas, Pototan, Mina, Cabatuan, New Lucena, Zarraga at Santa Barbara.
Saklaw din ng advisory ang mga lalawigan ng Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Negros Occidental at ilang bahagi ng Cebu at Bohol.
Nagbabala rin ang PAGASA sa posibleng pagtaas ng tubig sa mga ilog at flash flood sa Western Visayas, kabilang ang mga ilog sa Pinantan, Barotac, Aklayagan, Jalaud, Jagdong, Lamunan, Jaro-Aganan, Sibalom at Guimbal.
Pinayuhan ang mga residenteng malapit sa mga ilog, kabundukan at mabababang lugar na maging mapagmatyag sa posibleng pagbaha at biglaang pagbabago ng lagay ng panahon.
Bagama’t magaan pa lamang ang naitalang pag-ulan sa Iloilo City, mula 0.4 hanggang 3.5 millimeters sa nakalipas na 12 oras, sinabi ng EOC na nananatiling handa ang mga awtoridad dahil maaari pa ring magdulot ng malalakas na pag-ulan ang pinalakas na Habagat.
Naka-standby ang mga tauhan at kagamitan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, Bureau of Fire Protection, Iloilo City Police Office, City Engineer’s Office, General Services Office, City Social Welfare and Development Office at iba pang katuwang na ahensya.
Aktibo rin ang Barangay Emergency Operations Centers sa pitong distrito ng lungsod, habang nakaalerto ang mga health team, search and rescue units at public works personnel.
Nauna nang ipinag-utos ni Iloilo City Mayor Raisa Treñas ang pagsuspinde ng face-to-face classes mula preschool hanggang senior high school sa mga pampubliko at pribadong paaralan bilang pag-iingat laban sa epekto ng masamang panahon.
Hinimok ng mga opisyal ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na weather bulletin, iwasan ang hindi kinakailangang pagbiyahe sa panahon ng malakas na ulan, at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang insidente ng pagbaha o iba pang emergency. RNT/JGC