TINGNAN: Humarap sa NBI ang 16 sa 18 umano’y dating Marines na nagpakilalang “bagmen” ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, upang tumalima sa subpoena kaugnay ng kontrobersyal na alegasyon ng kickbacks sa flood control projects. | Cesar Morales
MANILA, Philippines – Naghain ng cyber libel complaint si Iloilo Representative Julienne Baronda nitong Miyerkules, Hunyo 3, sa Department of Justice (DOJ) laban sa 18 dating marines at mga sundalo na nagsabing naghatid sila ng mga cash mula sa dating mambabatas na si Zaldy Co patungo sa iba’t ibang indibidwal.
Ayon sa legal counsel ni Baronda, ito ay dahil sa pagkakasama nito sa listahan ng mga indibidwal na tumanggap umano ng cash.
“Sinama siya doon sa listahan ng allegedly nakatanggap ng male-maletang pera. Hindi naman totoo ‘yun kaya nag pasya si Congressman Baronda na mag sampa ng kaso for cyber libel,” ayon kay Atty. Jeric Jucaban.
Sinabi pa ni Jucaban na kabilang din sa respondent ang legal counsel ng 18 marines na si Atty. Levito Baligod.
Ito ay matapos umanong aminin ni Baligod sa mga panayam na nakipag-ugnayan ito sa marines at naghanda ng kanilang affidavit.
Wala pang tugon si Baligod kaugnay nito.
“Nasobrahan na. Kailangan ko i-defend ang institution and at the same time as a mother. ‘Yung anak ko kasi naging biktima na rin, so hindi siguro pwedeng hayaan ko na lang ito. And I don’t want na gamitin ito ng mga kalaban sa politika,” sinabi naman ni Baronda.
Ang 18 marines ay nahaharap din sa mga reklamong inihain nina dating senador Antonio Tillanes IV, dating National Security Adviser Eduardo Año, House Deputy Minority Leader Leila de Lima ng ML party-list at Fr. Flavie Villanueva, at Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr. sa DOJ.
Naghain naman ang mga ito ng kanilang counter-affidavits para sa mga reklamo. RNT/JGC