Home HOME BANNER STORY Impeachment complaint vs VP Sara aksaya lang sa oras – PBBM

Impeachment complaint vs VP Sara aksaya lang sa oras – PBBM

Larawan ni Danny Querubin

MANILA, Philippines – “HINDI naman importante at hindi kailangan na mag-aksaya ng oras para rito.”

Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patungkol sa planong paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa katunayan, nagpaabot na ng kanyang mensahe si Pangulong Marcos sa mga kaalyado sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na huwag maghain ng impeachment complaint laban kay VP Sara.

Ang katuwiran ng Pangulo, hindi naman importante at hindi kailangan na mag-aksaya ng panahon at oras para rito.

“Well, it was actually a private communication but naleak na, yes. Because that’s really my opinion. This is not important. This does not make a difference to even one single Filipino life. So why waste time on it,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam sa Lucena City, Quezon.

“What will happen if somebody files an impeachment? It will tie down the House, it will tie down the Senate. It will just take up all our time and for what? For nothing, for nothing. None of this will help improve a single Filipino life,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.

Gayunman, umaasa naman ang Pangulo na maaayos ang hidwaan sa pagitan nila ni VP Sara.

At nang tanungin kung umabot na sya sa ‘point of no return,’ sinabi ni Pangulong Marcos na “Never say never.”

Samantala, umugong ang bali-balita na hinarang umano ni Pangulong Marcos ang planong paghahain ng impeachment complaint laban kay VP Sara.

Subalit may ilang mambabatas sa Kamara ang nagsabi na wala pa silang natatanggap na anumang utos mula kay Pangulong Marcos hinggil sa nasabing usapin.

Tikom naman ang bibig ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez nang hingan ng komento ukol sa impeachment plans laban kay VP Sara sa sidelines ng bicameral conference committee meeting hinggil sa 2025 national budget.

Matatandaang, matapang na isinapubliko ni VP Sara na kumontak na di umano siya ng ‘assassin’ para patayin sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Romualdez kapag may nangyari umanong masama sa kaniya.

Inihayag ni VP Sara ang banta niyang ito nang mag-live stream siya sa detention faci­lity ng Kamara kasama ang na-contempt nitong Chief of Staff na si Atty. Zuleika Lopez nitong Sabado ng madaling araw.

“Nagbilin na ako…. ‘Pag namatay ako, ‘wag ka tumigil hanggang hindi mo mapapatay sila,” pahayag ni VP Sara na tinukoy ang mga pangalan nina PBBM, First Lady Liza at Romualdez na siyang mga ipata-target niya sa assassin.

“Pag namatay ako mamatay rin sila,” banta pa ng Bise Presidente na iginiit na seryoso siya at hindi ito basta “joke , joke lang”. Kris Jose